Kasado na ang mga samahan at asosasyong maralita sa ilalim ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa paglahok bukas sa inaasahang malakihang kilos-protesta sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa, at ang kanilang pangunahing panawagan: trabaho para sa milyun-milyong mga maralita, sa gitna ng lumalalang krisis-pang-ekonomya.
Partikular na tinutuligsa ng grupo ang anila'y "huwad" at "patse-patseng" solusyon na isinusulong ng gubyerno sa malawakang tanggalan at disempleyo, sa anyo ng programang Comprehensive Livelihood and Emergency Employment Program (CLEEP) na ipinapatupad ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).
“Dalawa ang aming mahalagang pamantayan. Una, kung ito ba ay para sa lahat, at ikalawa, kung ito ba ay nakabalangkas o nasa direksyon ng pambansang pag-unlad. Bagsak itong ‘emergency employment’ sa parehong pamantayang ito,” ani Leona “Nanay Leleng” Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay. “Sabihin na nating maaabot nito ang idineklarang bilang ng NAPC na 220,000 magkakatrabaho, ni hindi pa nito makukutkot ang tinatayang 4.3 M [IBON Foundation] na walang trabaho sa bansa.
“Higit pa dito, dahil hindi naman nakabalangkas sa tunay na pag-unlad ng bansa ang mga trabahong ito, magiging panandalian lang din ang mga ito at walang malilikhang mga bagong oportunidad para sa empleyo ng higit na nakararami.”
Isang panukala ng grupo na, sa kagyat, lumikha ng trabaho sa pamamagitan ng pagpapalawak ng imprastraktura ng mga serbisyong panlipunan. “Dito dapat ilagak ang malaking pondo… ang pagtugon sa napakalaking kakulangan sa pasilidad, kagamitan, at manpower sa mga serbisyo, laluna sa kalusugan, edukasyon, at pabahay, ay siya ring lilikha ng trabaho. Agaran ang mga benepisyo nito sa mamamayan,” ani Nanay Leleng.
Sa pangmatagalan, tuluyan aniyang masosolusyunan ang disempleyo sa isang “tunay na programa ng pambansang industriyalisasyon.”
Kahapon (Abril 29), higit 50 kasapi ng grupo ang sumugod sa tanggapan ng NAPC sa Department of Agriculture compound sa Elliptical Road, Quezon City, na kinatampukan ng pwersahang pagpasok sa gate ng compound at kumprontasyon sa mga gwardya rito, upang igiit ang mga panawagang ito sa ahensya.
_____________________________
Kadamay Public Information Department
Jon Vincent Marin 0910 975 7660 | Radney Flores 0907 492 5184
No comments:
Post a Comment