Hindi bababa sa 5,760 maralitang pamilya ang sana'y napakain sa loob ng isang araw ng diumano'y $20,000 na hapunan ng grupo ni Pangulong Arroyo kamakailan sa New York, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).
Katumbas ito ng halos 30% ng populasyon ng Payatas, o isa o dalawang barangay sa Tondo, dalawa sa pinakamahihirap na lugar sa Metro Manila.
"Don't say bad words in public daw sabi ni Gng. Arroyo sa SONA, pero paano ka hindi mapapamura sa ganitong luho, habang nagugutom ang napakaraming maralitang-lungsod?," ani Jon Vincent Marin, tagapagsalita ng grupo.
Ayon sa pinakahuling datos ng SWS sa food-poverty, itinuturing ng mga pamilya sa Metro Manila na nasa P5,000 kada buwan ang kanilang kailangan upang hindi ituring ang sarili na food-poor o kinukulang sa pagkain. (Inihayag din ng naturang survey, na inilabas noong Agosto 4, na 39% o 7.2 M pamilya sa bansa ang self-rated food-poor.)
Batay dito, kailangan ng bawat pamilya ng P166.67 kada araw para sa pagkain. Kung ilalaan dito ang $20,000 o P960,000 na diumano'y ginasta ng grupo ni Gng. Arroyo sa nabanggit na hapunan, lalabas na 5,760 pamilya sana ang nalaanan nito ng agahan, tanghalian at hapunan sa isang araw.
Marahil na mataas pa ito dito dahil sa katotohanan, mababa pa sa P166.67 ang ginagasta ng mga maralitang pamilya sa pagkain bawat araw, ayon sa grupo.
Ang karaniwang arawang sahod o kita ng mga maralitang-lungsod ay nasa P150-200 lamang, at marami pang ibang pinagkakagastusan sa loob ng isang araw.
Remonde, binira sa mga pahayag
Binira din ng grupo si Press Secretary Cerge Remonde sa kanyang mga pahayag laban sa mga kritikong umalma sa balita ng mamahaling hapunan, laluna sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kung saan nabibilang ang Kadamay, na pinaratangan niyang "komunista" at "hindi hihinto sa pagpapakalat ng 'agitation-propaganda' laban sa anumang administrasyon hangga't hindi ito komunista."
"Solusyunan ninyo muna ang kagutuman bago kayo magsalita," ani Marin. "Ang hirap sa inyo lahat ng kritiko at umaalma sa gubyerno tinatawag ninyong komunista, sa halip na aksyunan ninyo ang mga problema. Kung sa tingin ni Remonde ay sinisiraan lang namin ang gubyerno, hinahamon namin siya na dumalaw sa mga maralitang komunidad at tignan niya kung malala nga ba ang kagutuman o hindi." ##
No comments:
Post a Comment