Translate

Saturday, November 28, 2009

‘GMA’: Gloria Made Ampatuan

Pahayag sa Nobyembre 28 Press Conference para Disyembre 3 ‘Martsa ng Maralita’.

‘GMA’: Gloria Made Ampatuan
Rehimen ng kawalang-pakundangan sa buhay ng tao, nagpatag ng daan para sa masaker

Binasa ni Carmen ‘Nanay Mameng’ Deunida, Chairman Emeritus, Kadamay

Magandang umaga po. Una sa lahat, tayo po ay mag-alay ng dalawang minutong katahimikan bilang paggunita sa alaala ng 57 kataong pinaslang sa Maguindanao Massacre, kabilang ang ating mga abogado, mga kapatid sa media, mga kababaihan at kabataan.

Muli, nais po nating ipahatid ang taos-pusong pakikiramay at pagdadalamhati para sa lahat ng mga biktima ng walang-habas na pamamaslang.

Habang naghahanap ang bayan at ang mundo ng hustisya, marapat lamang na patuloy nating itulak ang pag-imbestiga at pag-usig sa mga Ampatuan, ang itinuturong may pakana ng karumal-dumal na krimeng ito. Marapat ding patuloy nating igiit ang mabilis na resolusyon at kaparusahan sa lahat ng mga sangkot dito, mula sa mga naging utak hanggang sa mga galamay ng masaker na ito na itinuturing na pinakamadugong insidente ng karahasan kaugnay sa halalan, sa kasaysayan ng ating bansa.

Subalit isang katotohanan po ang patuloy na nananaig at nabibigyang-linaw sa ating paghahanap ng kaliwanagan at hustisya sa pangyayaring ito. At ito ay maisusuma natin sa isang kataga.

GMA. Gloria Made Ampatuan.

Ang krimeng ganito karumal-dumal at mala-halimaw ay hindi nagaganap nang basta-basta, nang walang kunteksto at pinagsisibulan. At ang masaklap pong katotohanan, ang nagpatag ng daan para sa ganitong antas ng karahasan ay isang rehimen na matagal nang kinatampukan ng kawalang-pakundangan sa buhay ng tao, sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan.

Sa panunungkulan ni Gng . Arroyo, naging normal at naging polisiya pa nga ng gubyerno ang paggamit ng karahasan sa pagkitil ng oposisyon at paglaban ng mamamayan para sa mga batayang karapatan at kagalingan.

Ang halos isanlibo nang mga biktima ng pampulitikang pamamaslang, mula sa iba’t ibang dako ng bansa, at libu-libo pang mga biktima ng sapilitang pagkawala, tortyur at paglikas ay nagpapatotoo sa ganitong realidad.

Higit pa, naging malinaw ito sa pagkakait ng rehimen sa mga batayang pangangailangan ng mga maralita, gaya ng trabaho, kabuhayan, sapat at nakabubuhay na sahod, tiyak at disenteng tirahan, at serbisyong panlipunan.

Higit pa itong tumingkad sa nakaraang pananalasa ng sunod-sunod na kalamidad, kung saan tila kinaharap din naming mga maralita ang isang masaker – isang masaker bunga ng kriminal na kapabayaan ng pamahalaan, mula sa ka-inutilan nito sa simpleng pagsagip ng buhay hanggang sa patuloy nitong pagkakait ng mga agarang programa para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga nasalanta.

Muli, isang rehimen ng kawalang-pakundangan sa buhay ng tao.

Kaya’t sa Disyembre 3, ang mga maralitang-lungsod, kabilang ang mga manggagawa at iba pang uring anakpawis, ay maglulunsad ng isang malakihang protesta – isang protesta ng pagluluksa at protesta ng paniningil, sa rehimeng ito na siyang nagdulot ng iba’t ibang masaker sa taumbayan, kabilang na ang pinakahuli at pinakakarumal-dumal na naganap sa Maguindanao.

Sa Disyembre 3, gaganapin ang pambansang ‘Martsa ng Maralita’, sa Kalakhang Maynila at sa iba pang mga sentrong lungsod sa ating bansa.

Ang panawagan natin sa ating mga kababayan, tayo ay lumahok at ibuhos ang ating galit sa rehimeng ito sa araw ng protesta sa Disyembre 3. Para sa tunay na hustisya, hustisya para sa mga walang-awang pinaslang sa masaker sa Maguindanao, at hustisyang panlipunan para sa ating mga maralita.

Dahil sa katunayan, wala kay Gng. Arroyo ang hustisya. Ang hinahanap nating hustisya ay hindi natin makukuha kung idudulog natin ito sa mismong rehimen na nasa likod ng mga krimeng ito sa sambayanan.

Ang hustisya ay makakamit lamang sa pagbaba ni Gng. Arroyo sa poder, pag-usig at pagpapanagot dito sampu ng kanyang mga alipores at kasapakat, kabilang na ang mga Ampatuan.

Alalahanin natin, si Gng. Arroyo din lamang ang lumikha sa mga kriminal na ito. ##

For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment