Translate

Saturday, December 5, 2009

Tibagin ang 'rehimen ng masaker'!

Patalsikin, hadlangan ang balakin ni GMA na manatili sa poder, anang grupo ng maralitang-lungsod

NEWS RELEASE
December 3, 2009 / ‘Martsa ng Maralita para sa Hustisyang Panlipunan’

Tibagin ang ‘rehimen ng masaker’ (regime of massacres).

Ito ang naging sentral na panawagan sa ginanap na ‘Martsa ng Maralita para sa Hustisyang Panlipunan’, sa pamumuno ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), na pumapatungkol anila sa walong-taong panunungkulan ng Pangulong Arroyo at ang lantarang pakana ng huli na manatili nang pang-habampanahon sa poder.

‘Rehimen ng masaker’ ang naging bansag ng grupo sa rehimeng Arroyo bunsod ng pinakamadugong election-related na masaker sa kasaysayan ng bansa, ang Ampatuan, Maguindanao massacre, na siyang pinangunahan na din anila ng “iba’t ibang anyo ng masaker” sa taumbayan sa loob ng walang taon, kabilang ang talamak na extrajudicial killings sa mga kritiko ng administrasyon, at laluna ang malawakang kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho at kabuhayan, disenteng tirahan at sapat na serbisyong panlipunan para sa mga mahihirap.

“Sa loob ng walong taon, kabilang ang malagim na masaker sa Maguindanao, itinulak ng rehimeng ito sa kamatayan o sa bingit ng kamatayan ang milyun-milyon nating mga kababayan, alang-alang sa kanyang pagkapit sa kapangyarihan,” ani Leona ‘Nanay Leleng’ Zarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

Ito anila ang kahulugan ng kanilang panawagan ngayon para sa ‘hustisyang panlipunan’ – hustisya para sa mga biktima ng Ampatuan massacre maging ang higit isanlibong naitalang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa bansa, at hustisya para sa mga matagal nang naghihirap at nagugutom sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Lahat ng mga bagay na ito ay magkakaugnay, ayon sa grupo, at makakamit lamang ang hustisya para sa mga ito sa agarang pagpapatalsik kay Gng. Arroyo sa pwesto, at paghadlang sa kanyang balaking manatili pa sa poder sa pamamagitan ng pagtakbo para Kongresista sa Pampanga.

“Iisa ang temang tumatahi sa mga isyung ito – ang kawalang-pakundangan ng rehimeng Arroyo sa buhay ng tao, sa buhay ng kanyang mga mamamayan,” ani Nanay Leleng. “Simula’t sapul, walang ibang pinahalagahan ang rehimeng Arroyo kundi pagkapit sa kapangyarihan, tumirik man ang mga mata natin sa gutom at hirap – ang ganitong kaisipan, ang ganitong kawalang-pagpapahalaga sa buhay ng tao, ito ang nagbigay-daan sa mala-halimaw na karahasang nakita natin sa Maguindanao…si Arroyo ang nagsimula, at siya namang nilubos-lubos ng mga Ampatuan.”

Dahil sa malinaw na pakinabang ni Gng. Arroyo sa mga Ampatuan noong halalang 2004, hindi umano makakaasa ang bayan na makakamit ang hustisya sa masaker hangga’t nasa poder si Gng. Arroyo, presidente man o kongresista.

“Ang tunay na hustisya,” ani Nanay Leleng, “ay nasa pagpapatalsik kay Gloria.”

May 3,000 katao mula sa Kadamay at iba pang kaalyadong grupo, pangunahin mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU) at Anakpawis Partylist, ang nagmartsa mula Welcome Rotonda tungo Mendiola upang igiit ang pagpapatalsik kay Gng. Arroyo, paghadlang sa pagtakbo nito bilang kongresista, at sa halip ay ang pag-usig at pagpapanagot dito para sa isang ‘rehimen ng masaker.’ Ilang mga biswal ang inilatag ng grupo upang isalarawan ang kanilang mga panawagan:

Mga itim na kabaong: Bilang simbolo at pagkilala anila sa mga mamamahayag na pinaslang sa masaker at nakatakdang laksaang ilibing ngayong araw ding ito, kung saan nakasaad ang mga panawagan ng grupo.

Mga dummy na wari’y pinaslang: Pinagtabi-tabi ang mga ito na kumakatawan sa mga sumusunod: ‘biktima’ ng Ampatuan Massacre, ‘biktima’ ng extrajudicial killings, ‘biktima’ ng ‘Ondoy’, at mga ‘biktima’ ng kahirapan, upang iparating na ang lahat ng ito ay pananagutan ng rehimeng Arroyo, sa ‘kawalang-pakundangan’ na ipinamalas nito sa buhay at kagalingan ng kanyang mamamayan.

Malaking ‘OUST GMA’: Ang unang hakbang, anila, at marapat na sa agaran, para sa pagkakamit ng tunay na hustisyang panlipunan. ##

For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660.

No comments:

Post a Comment