Translate

Monday, February 8, 2010

Nanay Mameng, lider at icon ng maralitang-lungsod, magdiriwang ng ika-82 kaarawan ngayon

Paglagda ni GMA sa Senior Citizens Bill at tuluyang pagbaba nito sa poder, ilan sa mga birthday wish ng lider

NEWS RELEASE
February 8, 2010

Ipagdiriwang ngayon ni Carmen 'Nanay Mameng' Deunida, kilala at minamahal na lider-maralita at chairman emeritus ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at Anakpawis Partylist, ang kanyang ika-82 kaarawan. Isa na namang taon ang nagdaan sa mahaba at makasaysayang buhay ng isa sa mga pinaka-kilalang mukha ng pakikibaka ng mga mahihirap sa lansangan.

Ngayon, muling nahaharap ang mga maralitang-lungsod, pati na ang buong bansa, sa panibagong mga hamon dala ng nalalapit na halalan at pagpapalit ng mga lider. Sa bisperas ng pagsisimula ng opisyal na panahon ng kampanya para sa mga pambansang pusisyon, may isang pangunahing 'birthday wish' si Nanay Mameng.

"Sana'y tuluyan nang mawala si GMA sa poder, at mapagbayaran niya ang patung-patong na mga pagkakasala niya sa taumbayan," aniya. "At bago siya umalis, sana'y maisipan naman niya ang gumawa pa rin ng kahit kaunting kabutihan, at ito ay ang paglagda sa Senior Citizens Bill upang matulungan man lang ang mga kagaya kong matatanda."

Isa si Nanay Mameng sa maraming mga nakatatanda nating kababayan na kinakailangan pa rin ang pana-panahong pagsuporta sa kanilang mga anak at apo, dala ng kahirapan. Ito ay sa kabila pa ng ilang mga karamdaman na dinadala na ni Nanay Mameng, liban pa sa natural na mga epekto ng pagtanda.

Subalit hindi ito nagiging hadlang, aniya, sa patuloy na paglahok niya sa mga martsa at rali at pagtatalumpati sa kanyang kilalang matapang at matalas na pamamaraan.

"Alam kong tatakbo pa si GMA sa Pampanga para Kongresista. Alam na din natin ang pwedeng mangyari dito, na maaaring manumbalik siya sa pinakamataas na pusisyon sa bansa sa pamamagitan ng Charter Change," ani Nanay Mameng. "At alam din natin na hindi malayong pumalya ang eleksyon, dahil sa posibilidad ng pagpalya ng automation at malawakang dayaan.

Kaya ako, hindi pa ako kampante na tuluyan nang maaalis ang sumpa ni GMA sa bansa. Nakahanda pa rin akong pamunuan ang mga maralita sa lansangan, sa takdang oras."

Dagdag pa sa kanyang mga 'birthday wish' ay ang pagkapanalo nina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Gabriela Rep. Liza Maza sa pagka-Senador, mga aniya'y "subok na lingkod-bayan" at matagal na rin niyang nakakasama sa lansangan. "Ang mensahe ko rin sa aking mga kapwa-maralita, suriin natin ang mga kandidato sa lahat ng pusisyon at iboto ang mga tunay na maglilingkod sa ating kapakanan. Huwag nating ibenta ang ating boto dahil mauubos din ang perang 'yan, pero 'yung tatlo o anim na taong pagloloko nila sa pwesto, higit na malaking dagok sa ating lahat," ani Nanay Mameng. ##

Media are invited to Nanay Mameng’s 82nd birthday celebration, to be held at the Anakpawis National Office at 56 K-9 St., Brgy. West Kamias, Quezon City, today at 11 AM. For inquiries, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660. Thank you.

No comments:

Post a Comment