Translate

Wednesday, September 7, 2011

Grupo ng maralita, kasado na para sa malawakang tigil-pasada

BALITA l Setyembre 7, 2011

QUEZON CITY—Bilang paghahanda sa malawakang tigil-pasada na isasagawa ng iba’t-ibang transport group, nagsagawa ng terminal-hopping o pamamahagi ng polyeto at imbitasyon ang grupo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY sa mga tsuper at pasahero sa mga terminal sa Litex, QC.

Kamakailan ay nag-anunsiyo ang mga transport group ng isang nalalapit na tigil-pasada bilang protesta sa sobrang taas na singil (overpricing) at maya’t-mayang pagtaas ng presyo (price hikes) ng produktong petrolyo ng mga kartel sa langis pangunahin ang Big 3.

Ang sektor ng maralitang lungsod ang pinakamalupit na tinatamaan ng oil overpricing at price hikes, kabilang na ang mga tsuper at maliliit na opereytor. Ang isang sentimong pagtaas sa presyon ng langis ay napakalaking kabawasan sa maliit na kita ng mga tsuper, gayon din sa sa kakarampot na sahod ng mga manggagawa na hindi alam kung paano pagkakasyahin ang maliit na kita kasabay ng pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin tuwing may oil price hike,” ani Carlito Badion, pambansang pangalawang tagapangulo ng Kadamay.

Ayon sa grupo, “simula ng naging president si Noynoy, aabot sa 30 beses ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, samantalang walang makabuluhang umentong natatanggap ang sahod ng mga manggagawa.”

“Ibig sabihin ba nito ay mas kiling si Noynoy sa mga kartel ng langis kesa sa ating mga manggagawa?” tanong ni Badion. “Ang kanyang kawalang aksyon upang pigilan ang maya’t-mayang pagtaas ng presyo ng langis ay malinaw nagpapakita ng kontsabahan sa pagitan ng Malacanang at ng Big 3.”

Natuwa naman ang militanteng grupo sa nagging pagkakaisa ng mga malalaking transport group sa bansa. Ani Badion, “talagang napakatindi na ng epekto ng overpricing at oil price hikes, at hindi na ito kaya pang palampasin ng transport sector.”

“Kapag natuloy na ang malawakang tigil-pasada, titiyakin namin na maging ang malilit na grupo ng transport gaya ng mga TODA ay lalahok din, kaya naman kami naglunsad at maglulunsad sa mga daring na mga araw ng mga terminal-hopping. Nais din naming maging ang mga maralitang pasahero ay makikiisa sa protestang-bayan na ito upang makapagrehistro ng malakas na panawagan sa Malacanang,” dagdag ni Badion.

Ayon pa sa grupo, dapat higpitan pa ng mga transport group at ng iba’t-ibang sektor ng mamamayan ang pagkakaisa at manawagan din sa pagsasabansa ng industriya ng langis at sa pagbasura sa Oil Deregulation Law.

REFERENCE: Carlito Badion, Kadamay National Vice Chairperson (09393873736)

No comments:

Post a Comment