BALITA l Oktubre 24, 2011
ALYANSA KONTRA DEMOLISYON
REFERENCE: Carlito Badion, AKD Lead Convenor (09393873736)
QUEZON CITY—Matapos sugurin ng mga galit na maralita mula sa National Government Center (NGC) erya kaninang umaga ang QC Cityhall, muling lumusob ang isang grupo ng maralita mula sa North at East Triangle ng lungsod upang iprotesta ang nakambang demolisyon sa komunidad ng Sitio San Roque sa darating ng Oktubre 27.
Bahagi sila ng Concerned Organizations against Transfer, Layoff, Demolition and Privatization for the Quezon City Central Business District o CONTRACBD, isang alyansa ng mga maralita at mga kawani ng pamahalaan na matatamaan ng proyektong QCCBD. Ayon sa tagapagsalita ng CONTRACBD na si Santi Dasmarinas, hindi bababa sa 24,000 na pamilya ang itataboy patungo sa mga relocation sites sa malalayong lugar na kapos sa kabuhayan upang bigyang-daan ang P22B halagang proyektong business district.
Libu-libong kawani ng pamahalaan at ospital ang nangangamba ring mawalan ng trabaho dahil sa nasabing proyekto. “Walang puwang ang maralita at simpleng mamamayan sa mga proyektong pangkaunlaran sa ilalim ng PPP ng reheming Aquino, at tinatrato silang mga basura sa kalunsuran at sagabal sa kaunlaran,” ani Damarinas.
Isang gabing kampuhan sa NHA
Upang kondenahin ang malaking kapabayaan ng administrasyon Aquino sa usapin ng paninirahan, nagkampo ngayong hapon sa labas ng main office ng National Housing Authority ang mga nabanggit na grupo sa pangunguna ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) upang kondenahin ang mga nakamamatay na relokasyon at mala-negosyong programa sa pabahay ng nasabing ahensiya. Kinondena rin ng AKD ang diumano’y sabwatan sa pagitan ng NHA at ng mga debeloper ng murang-pabahay o low-cost housing gayundin ng malalaking dayuhang korporasyon.
Ayon kay Carlito Badion, convenor ng AKD, sisimulan nila ang kanilang camp-out sa labas ng NHA ngayong gabi para hamunin ang NHA na itigil ang kaliwa't-kanang demolisyon ng mga kabahayan ng maralitang lungsod. Magtatayo sila ng mga barung-barong sa labas na NHA upang ipamukha sa ahensiya ang kapabayaan nito sa paglutas sa lumalalang problema sa pabahay sa bansa.
“Ito ang umpisa ng aming kampanya para pakilusin ang libu-libong maralitang mawawalan ng tahanan, at singilin ang mga korporasyon ng mga murang pabahay at ang mga kasabwat nila sa pamahalaan na patuloy na nangbibiktima sa mga maralita,” dagdag ni Badion. Tinawag nila ang kampanyang ito na ‘Occupy NHA.’
Nagtayo rin sila ng isang barung-barong sa harapan ng ahensya upang ipakita ang kabulukan ng NHA sa pagharap sa lumalalang suliranin ng mamamayan sa pabahay.
Pambabato ng putik sa PPP Center
Bukas ay tutungo ang mga maralita sa opisina ng Public-Private Partnership Center sa may EDSA-Kamuning upang batuhin ng putik ang nasabing ahensiya.
Ayon kay Badion, dapat nang buwagin ang nasabing ahensiya sapagkat liban sa ibabaon lang nito sa utang ang naghihingalo ng sambayanang Pilipino, malalaking dayuhan at lokal na korporasyon lang ang makikinabang sa mga PPP projects. Walang pakundangan din ang PPP sa paglapastangan sa karapatan sa paninirahan at kabuhayan ng mga maralitang lungsod. Unti-unti ring tinatalikuran ng gubryerno ang responsibilidad nitong tugunan ang pangangailangan sa pabahay ng maralita sa pagsasapribado ng mga serbisyong pabahay sa planong paglikha nito sa Department of Housing and Urban Development (DHUD). ###
No comments:
Post a Comment