Translate

Friday, October 14, 2011

Grupo ng maralita, maglulunsad ng protesta laban sa P72-B stimulus package ni Aquino

PRESS RELEASE l 14 October 2011

QUEZON CITY, Philippines—Kinundena ng isang grupo ng maralitang lungsod ang P72-bilyong pisong halagang stimulus fund na inanunsyo ng presidente noong Miyerkules bilang sagot diumano ng gubyerno sa inaasahang epekto sa mamamayan krisis sa pinansya na dinaranas ng mga bansa Europa.

Ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, “ang stimulus package ay hindi magsisilbi sa interes ng mamamayan, bagkus ay magapapala sa kahirapang dinaranas ng mga maralitang-lungsod dahil sa 10-bilyong pisong bahagi ng stimulus package at nakalaan para sa palyasin ang aabot sa 106,000 pamilya nakatira sa mga komunidad at itapon sa mga relocation site na walang kabuhayan.”

Magsasagawa ang grupo ngayong umaga ng isang pagkilos laban sa 10-B pisong pondo para sa paglilikas ng mga maralita, sa buong pakete ng stimulus fund at sa di-umano’y planong pagsasapribado ng serbisyong pabahay ng gubyerno. Ilulunsad ito sa labas ng gate ng National Housing Authority (NHA) kung saan bibisita si Vice President Jejomar Binay na siya ring namumuno sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Ayon pa sa grupo, “ang 10-B piso ay magsisilbing kapital lamang ng mga negosyante ng mga murang pabahay at pagkakaitaan ng mga kasabwat nila sa loob ng mga ahensiya sa pabahay katulad ng NHA, samantalang itinutulak nito ang mga maralita sa mga relokasyon kung saan higit silang naghihirap.”

Inilatag ni Aquino ang ilan sa pupuntahan ng nasabing stimulus pacakge:

- P10 billion para sa relokasyon ng mga pamilyang nakatira sa danger zones.
- P6.5 billion ilang suportang pondo sa mga LGU.
- P5.5 billion para sa proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Department of Public Works and Highways.
- P4.5 billion para sa improvement ng Mass Rail Transit sa Edsa.
- P1.868 billion para sa upgrade ng Light Rail Transit.

Dagdag ng Kadamay, “habang ang gubyerno ay ginagawa ang lahat para hindi madismaya ang mga dayuhang mamumuhunan, wala namang itong pakialam sa lugmok na kalagayan ng milyun-milyong maralitang Pilipino na kadalasa’y biktima pa ng mga programang pangkaunlaran katulad ng ibinabandera nitong Public-Private Partnership.

“Ginagamit pa ng gubyerno ang krisis sa Europa para lamang bigyang-katwiran ang paglalaan nito ng kapital para sa mga negosyante mula sa kaban ng taumbayan.”

Pambansang industriyalisasyon ang proteksyon sa krisis sa Europa
“Habang hindi pa sigurado ang Malacanang sa magiging epekto ng krisis sa Europa sa mga Pilipino, ang maagap nitong pagtugon sa pamamagitan ng paglabas ng pondo, batay sa karanasan ay hindi magbibigay-proteksyon sa taumbayan,” dagdag ng Kadamay.

Ayon sa grupo, “batay sa napatunayan sa ilang mga bansa, ang tanging tiyak na proteksyon para maiwasan ang malalang epekto ng mga pandaigdigang krisis sa ekonomiya ay ang paglikha ng isang pambansang industriya na hindi nadidiktahan ng mga neoliberal na patakaran ng globalisasyon. Dapat ilaan na lamang ang P72-bilyon sa pagpondo sa mga lokal na industriya na lilinang sa nag-uumapaw nating likay-yaman.

“Kung ipapatupad ni Aquino ang pambansang industriyalisasyon na lilikha ng mga malalaking industriya sa bawat rehiyon at probinsya, maiiwasan din ang pagdagsa ng daan-daang libong magsasaka patungong kalunsuran upang maghanap ng trabaho, at sa gayun ay maapula rin ang lumalaking bilang ng mga maralita-lungsod, at lumalalang problema nila sa kabuhayan at paninirahan.”###

Reference: Carlito Badion, Kadamay national vice chair (09393873736);
Francis Esponilla, Kadamay national educational officer (09467350082)

No comments:

Post a Comment