Translate

Monday, October 24, 2011

Mga grupo ng maralita, dinahas sa QC city hall, nakatakdang magkampo sa labas ng National Housing Authority laban sa mga bulok na programa sa pabahay

BALITA I 24 OCTOBER 2011
ALYANSA NG MAMAMAYAN NG NGC PARA SA KATIYAKAN SA PANINIRAHAN l Kadamay
REFERENCE: Carlito Badion, Kadamay natl vice chair (09393873736); Aurorita Consuegra, AMNGCKP chair (09124105680)

Habang nag-aabang ngayong umaga ang mga residente ng Corazon de Jesus sa panibangong banta ng demolisyon sa tulak ng LGU na San Juan City, nagprotesta ang iba't-ibang maralitang grupo pgkatapos ng flag ceremony sa Quezon Cityhall upang kondenahin ang pagpapatupad ng QC LGU ng malawakang demolisyon ng mga maralitang komunidad sa kanilang lungsod Quezon. Sa pagtataboy ng segurity guard ng munisipyo, ilang kasapi ng Kadamay QC ang nasaktan, at pilit inagaw ang mga dalang plakard at megaphone.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Arorita Consuegra, tagapangulo ng Alyansa ng Mamamayan sa National Government Center (NGC) para sa Katiyakan sa Paninirahan, “ang malawakang pagpapalayas sa maralita sa lupang dekada na kinatitirikan ng kanilang mga tahanan ay bunsod ng Public-Private partnership program ng administrasyong Aquino, na pumapabor lamang sa malalaking dayuhan at lokal na negosyante.”

Kasama nila sa pagkilos ang mga maralitang matatamaan din ng proyektong C5 North Extension Project at ng proyektong Aqueduct sa nasabing lungsod. Hinamon nila sa Mayor Herbert na pumanig sa nakararaming maralita ng lungsod na nagluklok sa kanya sa katungkulan. Ang Quezon City ang may pinakamalaking populasyon ng mga maralitang residente sa Kamaynilaan na may hindi bababa sa 222,744 bilang na pamilyang maralita ayon sa datos ng MMDA.

Kasalukuyang nagaganap ang reblocking sa mga barangay na saklaw ng proyektong NGC sa mga barangay ng Holy Spirit, Batasan Hills, Commonwealth at Payatas, ngunit nanatiling mailap pa rin ang katiyakan ng kanilang paninirahan. Liban pa dito, ang bayarin na kakaharapin ng mga maralita sa ilalim ng programang Contract to Sell ay hindi kakayanin ng mga pamilyang maralita sa hirap ng buhay sa mga panahong ito, ani Consuegra. Tanong pa niya, “Bakit ba kami kailangang paalisin sa mga bahay na mahabang panahon namin ipinundar? Di ba't para lang ito sa mga mayayaman ng negosyante at mga dayuhang nais pagkakakitaan ang lupain ng Quezon City?” Sa huli nanawagan ang grupo ang mga maralita na iaward na lang sa kanila ang mga lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan, sapagkat diumano mas may karapatan sila dito kesa sa mga dayuhan at mga mayayaman na. Bago magtungong National Housing Authority (NHA) ang grupo ay binaba sila ng alkalde ng lungsod.

Maralita ng North at East Triangle
Ngayong hapon din nakatakdang kumilos sa Quezon Cityhall ang mga grupo ng maralita mula sa North at East Triangle na tatamaan naman ng proyektong Quezon City Central Business Project o QCCBD. Ayon sa tagapagsalita ng CONTRACBD, isang alyansa ng mga maralita at kawani ng pamahalaan na matatamaan nasabing proyekto, na si Santi Dasmarinas, hindi bababa sa 24,000 na pamilya ang itataboy patungo sa mga relocation sites sa malalayong lugar na kapos sa kabuhayan upang bigyang-daan ang 22B halaga ng proyekto. Libu-libong kawani ng pamahalaan ang ospital ang nangangamba ring mawalan ng trabaho dahil sa nasabing proyekto. “Walang puwang ang maralita at simpleng mamamayan sa mga proyektong pangkaunlaran sa ilalim ng PPP ng reheming Aquino, at tinatrato silang mga basura sa kalunsuran,” ani Damarinas. Sa darating na Oktubre 27 ay nakaabang na naman ang mga maralita sa Sitio San Roque sa North Triangle sa panibagong banta ng demolisyon sa pangunguna na NHA at ng QC LGU.

Isang gabing kampuhan sa NHA
Upang kondenahin ang malaking kapabayaan ng administrasyon Aquino sa usapin ng paninirahan, magkakampo ngayong hapon sa labas ng main office ng National Housing Authority ang mga nabanggit na grupo sa pangunguna ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) upang kondenahin ang mga nakamamatay na relokasyon at mala-negosyong programa sa pabahay ng gubyerno, gayundin ang pakikipagsabwatan ng NHA sa mga debeloper ng mga murang-pabahay o low-cost housing at malalaking dayuhang korporasyon. Ayon kay Carlito Badion, convenor ng AKD, sisimulan nila ang kanilang camp-out sa labas ng NHA ngayong gabi para hamunin ang NHA na itigil ang kaliwa't-kanang demolisyon ng mga kabahayan ng maralitang lungsod. Magtatayo sila ng mga barung-barong sa labas na NHA upang ipamukha sa ahensiya ang kapabayaan nito sa paglutas sa lumalalang problema sa pabahay sa bansa.

Pambabato ng putik sa PPP Center
Bukas ay tutungo ang mga maralita sa opisina ng Public-Private Partnership Center sa may EDSA-Kamuning upang batuhin ng putik ang nasabing ahensiya. Ayon kay Badion, dapat buwagin ang nasabing ahensiya sapagkat liban sa ibabaon lang nito sa utang ang naghihingalo ng sambayanang Pilipino, malalaking dayuhan at lokal na korporasyon lang ang makikinabang sa mga PPP projects. Walang pakundangan ang PPP sa paglapastangan sa karapatan sa paninirahan at kabuhayan ng mga maralitang lungsod. ###

No comments:

Post a Comment