PRESS RELEASE l 17 NOV 2011
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
REFERENCE : Gloria Arellano, Kadamay national sec-gen, 09213937457
“Lalala pa ang kahirapan sa mga darating na panahon dahil sa CCT.” Ito ang prediksyon ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) matapos nilang padlakan ang gate ng National Anti-Poverty Commission bilang sagot sa mas lumaki pang bilang mga mahihirap sa ikatlong kwarto ng taon ayon sa survey ng SWS.
Ayon kay Gloria Arellano, national secretary-general ng grupo, “tanging nakasentro ang programa kontra-kahirapan ng administrasyong Aquino sa Conditional Cash Transfer. Nililihis lamang ng CCT ang wastong direksyon para solusyunan ng pamahalaan ang lumalalang kahirapan”
Ang pahayag ng Kadamay ay taliwas sa sinasabi ni Presidential spokesperson Abigail Valte na maaring lumala pa ang kahirapan dahil sa bagyong Pedring na mararamdaman ang epekto sa huling kwarto ng taon. Taliwas din ito sa ipinagmamalaki ni Secretary Dinky Soliman ng DSWD na investment diumano ang CCT ng human capital, at makalipas ang limang taon ay makakaasa ang mga benepisyaryo ng pagginhawa sa kanilang kalagayan.
"Bagamat hindi dapat lubos na paniwalaan ang mga kahalintulad na survey na inilabas ng SWS, napakalinaw ng epekto krisis na nararamdaman ng malawak na sambayanan kumpara sa mga nagdaang administrasyon, dagdag ni Arellano.
Ayon pa sa Kadamay, wala namang ginagawa ang gubyerno para makalikha ng pangmatagalang trabaho para sa mga naghihirap na maralita sa ngayon at makalipas man ang limang taon. "Kahit gaano kalaki pa ang ayudang ibinibigay ng gubyerno para sa pinakamahihirap na mamamayan, kung wala namang trabaho at kapos ang sahod na nakukuha ng mga may trabaho, mananatili pa rin silang maralita," ani Arellano
"Nilulustay diumano ng pamahalaan ang napakalaking pondo ng taumbayan para sa CCT," ayon kay Arellano. "Niloloko lamang ng administrasyon ang taumbayan na may mapupuntahan ang pondong nakalaan para sa CCT. Samantalang maraming industriya na sana na lilikha ng trabaho ang maaring mapondohan ng gubyerno gamit 39B pisong badyet ng CCT sa taong 2012," dagdag pa niya.
“Ilulubog din lang ng CCT ang bansa sa napakalaking utang sa World Bank at ADB na poproblemahin ng susunod na henerasyon,” banggit ni Arellano. “Dapat ilaan ng gobyerno ang rekurso nito sa paglikha ng higit na kinakailangang ppermanenteng trabaho at makabuluhang dagdag-sahod para sa manggagawa.
"Dapat katakutannan ng administrasyong Aquino ang sasambulat na panlipunang kaguluhan dahil sa patuloy nitong pag-iwas sa pagresolba sa lumalalang kahirapan at kagutuman ng mamamayan. Lalala pa ang krisis hanggat patuloy na nagpapakatuta ang administrasyon sa dikta ng mga neo-liberal na patakaran, at hindi nito ipinapatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na silang tanging magkakawala sa mliyun-milyong mamamayan mula sa tanikala ng kahirapan," pagwawakas ni Arellano ###
No comments:
Post a Comment