Translate

Thursday, December 15, 2011

Grupong Kadamay, maglulusad ng Paskuhan ng Maralita bukas, tinawag na Grinch si Pang. Aquino

PRESS RELEASE l 16 DECEMBER 2011
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national secretary general (0921.392.7457)

QUEZON CITY--Maglulunsad bukas ng hapon ang iba’t-ibang grupo ng maralita sa ilalim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ng kanilang version ng Lantern Parade sa Elliptical Road, Quezon City.

Ipagdiriwang bukas ng Kadamay ang ikalawang taon ng kanilang Paskuhan ng Maralita. Mangunguna sa parada ng mga parol na yari sa mga recycled materials ang imahe ni Pangulong Aquino na naka-costume ng isang Grinch.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Gloria Arellano, “Ninakaw ni Noynoy ang Pasko ng libu-libong maralita nang tanggalan niya ng kabahayan at kabuhayan ang mga ito sa walang-habas na demolisyon na isinasagawa ng rehimen.”

“Kaiba sa pasko ng mga maralita, iilang pamilyang Pilipino lang kasama na si Pangulong Aquino ang ngayong Pasko ay sasalubong sa Noche Buena na puno ang pagkain sa hapag-kainan,” ani Arellano

Dagdag pa ni Arellano, sa higit 500 araw nang pagiging pangulo, pantawid-gutom na CCT at mga PPP projects na nagwawasak sa kabahayan ng maralita ang alok sa maralita ni Noynoy, samantalang nananatili pa ring marami ang wala o di-kaya’y kapos sa trabaho, at nagtitiyaga sa kakarampot na kita.

Diumano, hirap nang makaipon sa panahon ngayon ang mga maralita. “Wala ring ginawa si Noynoy para pigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain. Patuloy ang pagsirit ng presyo ng gasolina, kuryente at tubig,” dagdag pa ni Arellano.

Paskuhan ng Maralita
Ngayong hapon, magsisimula ang parada ng mga maralita sa National Housing Authority. Dadaan ang parada sa ilang ahensiya ng gubyerno sa paligid ng Elliptical Road gaya ng Department of Agrarian Reform, National Anti-Poverty Commission at National Food Authority.

Sa bawat istasyon ay maglulunsad ang mga maralita ng maikling kulturang pagtatanghal at caroling ng mga demands ng maralita sa partikular na ahensiya. Maghahandog naman ng mga regalo katulad ng CARPEr, CCT, P32/kilong bigas at P10B relocation fund ang nakabihis-Grinch na si Noynoy para sa mga maralita.

Sa main program ng Paskuhan ng Maralita na gaganapin sa gate ng NHA, sisindihan ng mga lider ang isang malaking tala sa taas ng 6-talampakang ChristmasTree na gawa rin sa mga recycled materials. Nakasulat sa tala ang pangunahing kahilingan ng maralita na Tunay na Reporma sa Lupa at Pambansang Industriyalisasyon, na diumano ay siyang tanging solusyon sa paghihirap na dinaranas ng milyung-milyong Pilipino. ###

No comments:

Post a Comment