PRESS RELEASE (08 December 2011)
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Militant Center of Urban Poor in the Philippines
For interview, please contact Gloria Arellano, Kadamay national sec-gen at 09213927457.
Sa pangunguna ng September 23 Movement at Kadamay North Triangle, maglulunsad bukas ng umaga ang mga residente ng North Triangle ng isang Kapehang Bayan upang diumano ay matiyak ang paglahok ng mga residente sa kanilang barikadang bayan laban sa demolisyon, at sa isasagawa nilang kilos-protesta sa paglipat kay Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo patungo sa kalapit lang na Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Ayon kay Estrelieta Bagasbas, tagapangulo ng September 23 Movement, lokal na alyansa ng mga residente sa Sitio San Roque, hindi nila hayayaan lang na mailipat si CGMA sa VMMC ng walang kilos-protesta. Nauna nang naglunsad ang grupo ng maralitang lungsod ng isang pagkilos sa gate ng VMMC noong Lunes. Ayon pa kay Bagasbas, dapat sa isang kulungan panagutan ng dating pangulo ang kanyang mga kasalanan sa taong-bayan kabilang na sa mga maralita sa Sitio San Roque.
“Mastermind si Arroyo ng malawakang demolisyon na bibiktima sa hindi bababa sa 24,000 pamilyang mula sa North at East Triangle, at magtatanggal sa libu-libong kawani at empleyado ng mga pampublikong opisina at mga ospital. Noong 2007, nilikha ni Arroyo ang EO 620 at 620-A na nagtiyak ng pagpapatupad ng Quezon City Central Business District (QCCBD),” ani Bagasbas.
“Ito ang naging batayan ng marahas na demolisyon sa Sitio San Roque noong Setyembre 2010 kung saan nagkasagupa ang mga residente ang demolisyon tim at kapulisan sa EDSA, kabilang na rin ang nabigong demolisyon sa BIR Road nitong Nob 28,” dagdag ni Bagasbas.
Walang pinag-iba si Aquino
Ayon naman sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), sapagkat wala naman itong ipinagkaiba sa dating pangulo, natatakot si Noynoy na sapitin din niya ang kalbaryong dinaranas ni Arroyo. Kung kaya’t nasasapatan na lang siya sa hospital arrest bilang pagpapanagot sa dating pangulo.
“Ang galit ng mamamayan sa dating pangulo ay unti-unti na ring tinatapatan ng galit kay Aquino ng mamamayan lalo na ang hanay ng maralitang lungsod,” ani kay Gloria Arellano, pambansang pangkalahatang kalihim ng Kadamay.
“Mula sa pagiging tagapamandila ng malalaking dayuhan at lokal na negosyo na nagpapalayas sa mga maralita mula sa kanilang mga komunidad, pagpapatupad ng hungkag na CCT na nagsisilbing tanging poverty-alleviation program ng gubyerno, hanggang sa pagkandili sa mga neoliberal na patakaran gaya ng labor-export policy sa halip na maglikha ng trabaho sa sariling bayan: ito ay ilan lamang sa mga kasalanan ni Arroyo at ni Aquino sa mamamayan at dapat nilang panagutan,” dagdag ni Arellano.
Ayon kay Bagasbas, bagamat si Arroyo ang mastermind ng demolisyon ng kabahayan sa kanilang komunidad, hindi maikakaila ng kasulukuyang administrasyon na ito ang nagpatupad ng marahas ng demolisyon nong Setymbre 23, 2010, apat na buwan lamang matapos mahalal si Aquino bilang pangulo ng bansa. Para sa mga residente, dapat magsama sa kulungan si Aquino at Arroyo at managot sa malalang paglabag nila sa karapatan ng mga maralita.
Noong Disyembre 2 ay nakatanggap ng 7-day notice ang mga residente ng Sitio San Roque para lisanin nila ang kanilang komunidad. Ngunit matagal nang nakahanda ang barikadang bayan ng mga maralita upang biguin ang nakaambang demolisyon sa mga komunidad na tatamaan ng proyekto. Kasabay ng paglipat ni Arroyo sa VMMC, inaasahan din ng mga residente ang pagdating ng demolition team bukas ng umaga. ###
No comments:
Post a Comment