PRESS RELEASE l 12 DECEMBER 2011
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
REFERENCE: Carlito Badion, Kadamay national vice chair l 09393873736
QUEZON CITY, Philippines—Kasabay ng banta ng demolisyon ng mga kabahayan sa North Triangle ngayong umaga, mananawagan ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa administrasyong Aquino para imbestigahan ang diumano’y maanomalyang pagpepresyo sa lupain ng North Triangle sa panahon ng administrasyong Arroyo.
Ayon kay Carlito Badion, pambansang pangalawang tagapangulo ng Kadamay, kaduda-duda diumano ang pagkakakuha ng Ayala Land Inc, (ALI) sa 29.1 ektaryang lupain sa Sitio San Roque, North Triangle sa halagang P20,000 kada metro kwadrado, mas mababa pa sa kalahati ng aktwal na halaga ng nabanggit na lupa.
Nasungkit diumano ng ALI ang isang joint-venture project na nagkakahalagang 22 biyong piso katuwang ang National Housing Authority (NHA) sa bisa ng Executive Order 620 ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ito ang nagbigay daan para idebelop ang mga lupain sa North at East Triangle para sa Quezon City Central Business District (QCCBD).
Ang EO 620 (Rationalizing and speeding up the development of the East and North Triangles, and the Veterans Memorial Area of Quezon City, as a well-planned, integrated and environmentally balanced mixed-use development model) ay nilikha ni Arroyo noong Mayo 4, 2007, ilang araw bago ang pambansang halalan noong Mayo 14, 2007, at ilang linggo makalipas namang lagdaan ng gubyerno ang 329 milyong dolyar na halaga ng National Broadband Network (NBN) deal katuwang ang ZTE Corp ng Tsina.
Dagdag pa ni Badion, “Nakakuha kaming report na ang presyong P20,000 per square meter ay halos kalahati lamang ng presyo ng mga residential lot sa katabing West Triangle, gayong ang North Triangle ay kinategoryang ng pambansang pamahalaan bilang isang istratehiko at komersyal na lugar.”
“Kaduda ang timing ng paglalabas ng executive order ng dating pangulo na ilang araw lamang bago ang halalang 2007. Hindi mawawala ang posibilidad na may kumita mula sa nasabing paglalabas ng kautusan,” ani Badion.
Kinokondena ng Kadamay ang pagkaka-hospital arrest sa dating pangulo. Diumano, sa ordinaryong presinto niya dapat pagbayaran ang malalang kasalanan niya sa taumbayan.
“Kung ikukumpara sa kasong electoral sabotage, hindi kailang mas matitibay ang mga graft case laban sa dating pangulo tulad ng NBN-ZTE deal at ang Fertilizer Fund scam. Ang mga ito ang tiyak at mas mabilis na maghahatid sa dating pangulo sa kulungan,” ayon sa grupo.
Panibagong banta ng demolisyon
Samantala, ang ilang pamilya na nakatira sa ‘illegal structure’ sa San Roque, North Triangle ay binigyan noong Disyembre 2 ng pitong araw na palugit ng NHA para baklasin ang kanilang tahanan. Inaasahan nila ang pagdating ng demolition team anumang oras ngayong umaga.
Ayon kay Jocy Lopez ng Kadamay North Triangle, “Naging miserable ang buhay nila simula ng ideklara ng pamahalaan ang paglilikas sa mga residente ng San Roque patungo sa mga relokasyon sa Montalban.”
Buhat noong Setyembre 23 ng nakaraang taon, kung kailan naganap ang sagupaan ng mga residente at demolition team sa EDSA, halos buwanan na silang nakakatanggap ng iba’t-ibang banta ng pagpapalayas sa kanilang komunidad.
Nanawagan ang mga residente kay Pangulong Aquino na kaagad ibasura ang EO 620 at 620-A ni Arroyo, at imbestigahan ang maanomalyang joint-venture contract ng NHA at ALI. Nangako rin sila na hindi nila patatahimikin ang buhay ni Arroyo habang ang dating pangulo ay naka-hospital arrest sa kalapit lamang na Veterans Memorial Medical Center. ###
No comments:
Post a Comment