PRESS RELEASE l 22 DECEMBER 2011
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national secretary general (09213927457 l 7485565)
QUEZON CITY--Binira ng militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pananahimik ng AFP hinggil sa dati nitong heneral na si Jovito Palparan, Jr.
Si Palparan, na tinaguriang 'berdugo' ng mga militante ay ngayo'y nagtatago sa batas matapos maisyuhan noong Martes ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court sa Bulacan para sa kasong pagdukot sa dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas.
Nagtangka rin ang dating heneral na pumuga ngunit napigilan siya ng mga opisyales ng imigrasyon na makaalis ng bansa mula sa isang airport sa Pampanga.
Nangangamba rin ang grupo ng mga maralita na ang koneksyon ni Palparan sa matataas na opisyales sa military ay hindi malayong maging hadlang sa pagtugis ng gubyerno sa 'berdugo.'
Ayon kay Gloria Arellano, pambansang panglahatang kalihim ng Kadamay, hindi maikakailang isang matinding kahihiyan para sa Armed Forces of the Philippines ang ginagawang pagtatago ni Palparan.
"Kasabay ng pagdiriwang kahapon ng ika-76 na anibersaryo kahapon, ang AFP bilang isa sa pinakamatatagal nang institusyon sa bansa ay dapat mahiya sa pagkupkop nito sa isang berdugong kagaya ni Palparan," ayon kay Arellano.
Dapat din diumano magbigay ng isang 'public apology' ang AFP sa mamamayan.
Dungis sa integridad ng AFP
"Ang tangkang pagtakas at pantatago ngayon ni Palparan, gayundin ang pananahimik ng AFP ay nangangahulugan lamang na guilty siya sa kanyang mga kasalanan," dagdag ni Arellano.
Dinungisan ni Palparan ang integridad ng AFP bilang protektor ng mamamayan, gayundin ng ating batas, banggit pa ng grupo.
Sabi pa ni Arellano, "Naniniwala kami na posibleng may mga koneksyon ang dating heneral sa matataas na opisyales ng militar, at maaring ito ang maging hadlang para mahatid si Palparan sa kustodiya ng korte, at makamit ang katarungan para sa mga naging biktima ng paglabag sa karapatang-tao."
"Sa halip na manahimik, dapat kondenahin ng AFP ang pagtatago ng dati nitong heneral, tulungan ang PNP at NBI na hanapin siya at i-turn-over siya sa korte para harapin ang mga kasong nakasampa laban sa kanya," dagdag ni Arellano.
Bago pa ipag-utos ng korte ang pag-aresto kay Palparan, matagal na itong tinaguriang dead man walking, at napabalita ring nangunguna ito sa listahan ng mga tinukoy na kriminal ng Hukumang Bayan o People's Court ng Communist Party of the Philippines.
Urban militarization at mga kaso ng pamamaslang
Naniniwala rin ang Kadamay na marami pa sa hanay ng kasundaluhan ang umiidolo kay Palparan at kinikonsente ang mga extra-judicial killing upang diumano ay maapula ang lumalalang kaso ng insurhensiya sa bansa.
Ayon pa kay Arellano, hindi makakalimutan ng mga maralitang lungsod ang pananalasa na hinatid ni Palparan sa daan-daang maralitang komunidad na naging militarisado sa panahon ng kanyang 'reign of terror' sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
Mula 2003, bilang paghahanda sa pambansang halalan ng 2004, nadokumento ng Kadamay ang presenya ng mga militar sa mga maralitang komunidad, lalo na sa mga lugar na may banta ng demolisyon, at iyong mga itinuturing na balwarte ng mga militanteng organisasyon sa kalunsuran. Hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin dimano ang urban militarization sa bisa ng Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino ayon sa grupo.
Binanggit din ng Kadamay ang mga kaso ng extra-judicial killing na sinapit ng dalawa nitong lider mula sa Eastern Visayas at Cagayan Valley, kasama ng daan-daan pang mga aktibistang pinaslang at dinukot sa mga rehiyon kung saan nadeploy si Palparan. ###
No comments:
Post a Comment