PRESS RELEASE l 09 December 2011
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Reference: Carlito Badion, Kadamay national vice chair, 09393873766.
Sa pangunguna ng September 23 Movement at Kadamay North Triangle, naglunsad ngayong umaga ang mga residente ng Sitio San Roque ng isang Kapehang Bayan upang diumano ay matiyak ang paglahok ng mga residente sa kanilang barikadang bayan laban sa posibleng demolisyon ng kabahayn ngayong umaga, at sa isasagawa nilang kilos-protesta sa paglipat kay Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo (CGMA) patungo sa kalapit lang na Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Ayon kay Estrelieta Bagasbas, tagapangulo ng September 23 Movement, lokal na alyansa ng mga residente sa Sitio San Roque, hindi nila hahayaan na mailipat si CGMA sa VMMC nang walang kilos-protesta. Nanawagan sila kay Pangulong Aquino na hindi dapat sa ospital bagkus ay sa isang ordinaryong kulungan ilagak ang dating pangulo.
Nauna nang naglunsad ang grupo ng maralitang lungsod ng kaparehas na pagkilos sa gate ng VMMC noong Lunes. Nanawagan din ang grupo ng kagyat na pagbasura sa kautusang pinirmahan ni Arroyo noong siya ay presidente pa, ang EO 620 at 620-A na nagtiyak ng mabilis na pagpapatupad ng Quezon City Central Business District (QCCBD). Gayundin nanawagan sila para agarang imbetigasyon sa maanomalyang pagpepresyo ng lupa ng Sitio San Roque sa kontratang pinasok ng National Housing Authority sa Ayala. Sa nabanggit na kontrata, P20,000 kada metro kwadrado lang ang naging halaga ng lupa mula sa aktwal na P40,000 halaga ng lupa.
“Hindi presyong komersyal ang naging pagpepresyo sa lupain sa North Triangle, at lumalabas pa na mas mura pa ang halaga nito kesa sa mga residential area sa paligid ng San Roque kagaya ng sa West Triangle kung saan nakatira ang pamilya ng pangulo. Naganap ito sa panahong ng panunugkulan ni Gng Arroyo at hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga nasa likod ng maanomalya bentahan,” ayon kay Bagasbas.
“Mastermind si Arroyo ng malawakang demolisyon na bibiktima sa hindi bababa sa 24,000 pamilyang mula sa North at East Triangle, at magtatanggal sa libu-libong kawani at empleyado ng mga pampublikong opisina at mga ospital,” dagdag ni Bagasbas.
“Ito ang naging batayan ng marahas na demolisyon sa Sitio San Roque noong Setyembre 2010 kung saan nagkasagupa ang mga residente ang demolisyon tim at kapulisan sa EDSA, kabilang na rin ang nabigong demolisyon sa BIR Road nitong Nob 28,” dagdag pa ng lider.
Partners in crime
Ayon naman sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kung hindi ipag-uutos ni Aquino na mailipat si Arroyo sa isang ordinaryong kulungan at ipapawalang bisa ang maanomalyang EO 620 at 620-A, lalabas na magkasabwat lang ang dalawa sa pagkandili sa interes ng World Bank at ni Ayala. Kayat diumano hindi nito magawang ipakulong si Aquino ay dahil pa sa takot na sapitin din niya ang kalbaryong dinaranas ngayon ni Gng. Arroyo. Mga ‘partners in crime’ diumano silang maituturing.
Ani Gloria Arellano, pambansang pangkalahatang kalihim ng Kadamay, “ang galit ng mamamayan sa dating pangulo ay unti-unti na ring tinatapatan ng galit kay Aquino ng mamamayan lalo na ang mula sa hanay ng maralitang lungsod”
“Mula sa pagiging tagapamandila ng malalaking dayuhan at lokal na negosyo na nagpapalayas sa mga maralita sa kanilang mga komunidad, pagpapatupad ng hungkag na CCT na nagsisilbing tanging pamuksa sa kahirapan ng gubyerno, hanggang sa pagkandili sa mga neoliberal na patakaran gaya ng labor-export policy sa halip na maglikha ng trabaho sa sariling bayan: ito ay ilan lamang sa mga kasalanan ni Arroyo at ni Aquino sa mamamayan at dapat nila itong panagutan,” dagdag ni Arellano.
Tila mas mabangis si Aquino
Ayon din kay Bagasbas, bagamat si Arroyo ang mastermind ng demolisyon ng kabahayan sa kanilang komunidad, hindi maikakaila ng kasulukuyang administrasyon na ito ang nagpatupad ng marahas ng demolisyon nong Setymbre 23, 2010, apat na buwan lamang matapos mahalal si Aquino bilang pangulo ng bansa. Para sa mga residente ng Sitio San Roque, dapat magsama sa kulungan si Aquino at Arroyo at managot sa malalang paglabag nila sa karapatan ng mga maralita.
Noong Disyembre 2 ay nakatanggap ng 7-day notice ang mga residente ng Sitio San Roque para lisanin nila ang kanilang komunidad. Ngunit matagal nang nakahanda ang barikadang bayan ng mga maralita upang biguin ang nakaambang demolisyon sa mga komunidad na tatamaan ng proyekto. Kasabay ng paglipat ni Arroyo sa VMMC, inaasahan din ng mga residente ang posibleng pagdating ng demolition team ngayong araw. ###
No comments:
Post a Comment