PRESS RELEASE
21 January 2012
"Walang silbi ang mga datos ng pagbaba ng kahirapan at mga nalikhang trabaho ng gubyerno sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ng mga bilihin sa lokal na merkado."
Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa kawalang-aksyon ng Department of Energy (DOE) at ng administrasyong Aquino sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
"Hindi mapagtatakpan ng mga dinuktor na datos ang perwisyong hatid ng bawat sentimong pagtaas ng petrolyo at mga bilihin," ani Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay.
Sabwatan sa pagitan ng gobyerno at kartel
Nananawagan ang grupo sa mamamayan na huwag palampasin ang nagaganap na sabwatan sa pagitan ng administrasyong Aquino at ng dayuhang kartel sa langis o Big 3 na binubuo Shell, Petron at Chevron. "Bago sana ang Hacienda Luisita, unahin muna ni Aquino ang mga seryosong problema ng mamamayan gaya ng Oil Price Hikes (OPH)," ani Arellano.
Natuwa ang grupo sa panawagan ng ilan na mag-resign si Energy Secretary Jose Rene Almendras sapagkat wala naman diumanong nagawa ang ahensiya kundi i-monitor lamang sa halip na aksyunan ang nagaganap na OPH.
Review hinggil sa overpricing
Gayundin umaasa pa rin ang grupo na mapapatunayan ang overpricing sa langis sa isasagawang review ng financial statement ng 6 na kumpanya ng langis sa bansa sa Pebrero 1.
Sa isang banda, may agam-agam pa rin ang grupo kaugnay sa magiging resulta ng nasabing review. Ayon sa Kadamay, "Ang ilang mga ekonomista na kalahok sa nasabing audit team ay tagapamandila ng mga polisiyang pribatisasyon at deregulasyon sa ekonomiya, na siyang ugat ng pagtanggal sa kapangyarihan ng gubryerno kontrolin ang presyo ng langis."
Maliit na porsyento
Gayundin, ayon sa Kadamay, talagang napakaliit ng posibilidad na maibasura ang Oil Deregulation Law (ODL) at ang 12% E-VAT sa langis sa loob ng Kongreso. Kaya't nanawagan ang grupo sa mamamayan na muling palakasin ang mga protesta sa lansangan para ipabasura ang ODL at maalis ang E-Vat sa langis na pinagkukunan ng gubyerno ng multi-milyong piso mula sa paghihirap ng nakararaming Pilipino.
Sa bahagi nito, maglulunsad ang Kadamay sa darating na mga araw ng pangangalampag ng mga mobile propaganda teams (MPT) sa loob mga komunidad ng maralita para ipaunawa sa publiko ang pandarayang ginawa sa kanila ng gubyerno at ng mga dayuhang kartel ng langis. ###
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sento ng Maralitang Lungsod sa PIlipinas
Reference: Gloria 'Ka Bea' Arellano, national secretary-general (09213927457)
Marami pong ginagawang proseso Ang pag aksyon ng isang ahensya.. Hindi ito paguutos sa kasambahay na linisin mo ito, linisin mo iyan.. Professional po mga tao riyan.. Kung gusto niyong action, professional niyo ring kausapin..
ReplyDeleteNo to Kadamay