Translate

Friday, January 13, 2012

Grupo ng Kadamay, maghahandog ng mga bulok na prutas at bulaklak kay CGMA

PRESS RELEASE l Enero 13, 2012
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY)

Lungsod Quezon—Maghahatid ang grupo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa VMMC ng kanilang regalo na isang basket ng mga bulok na prutas at isang bungkos ng mga bulok na bulaklak para kay Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo. Protesta diumano ito sa panlilinlang ng kampo ni Arroyo sa taumbayan tungkol sa tunay na kalusugan ng dating presidente.

Noong Enero 11, sinabi ni Ma. Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Gng. Arroyo, na muling nangangailangan ang dating presidente ng isang maselang operasyon mula diumano sa payo ng isang Consultant ng VMMC na kaanak ni Gng. Arroyo. Ngunit kaagad naman itong pinabulaanan ng administrasyon ng nasabing ospital kinabukasan.

Kasama ng mga handog ang isang kard na naglalaman ng kanilang kahilingan na agad gumaling ang dating presidente para agad din niya diumanong mapanagutan ang kaniyang mga kasalanan sa taumbayan.

Kaso sa taumbayan
“Hindi kailanman malilinlang ni Arroyo ang mga maralita at mamamayan upang matakasan niya ang laksa niyang kasalanan sa taumbayan kabilang na ang higit sa isanlibong kaso ng extra-judicial killing sa ilalim ng kanyang administrasyon, mga kaso ng pandarambong sa kaban ng taumbayan at mga pandaraya sa eleksyon,” ani Badion.

Bago iabot ng mga militante ang kanilang handog kay CGMA sa mga security guard, magsasagawa sila ng isang maikling programa sa labas ng ospital upang ianunsyo ang kanilang pagsuporta sa impeachment case laban kay Chief Justice Renato Corona.

“Malinaw ang pagiging isang midnight appointee ni Corona sa panahon ni Arroyo, at isa siyang malaking balakid sa tuluyang pagpapanagot sa dating pangulo. Narapat lamang na maalis siya bilang punong mahistrado ng Korte Suprema,” ani Badion.

Sinseridad ni Aquino
Gayunpaman, nagpahayag ng pagdududa ang grupo ng Kadamay sa sinsiredad ni Aquino sa pagtupad nito sa pangako niya sa taumbayan na mapanagot si Gng. Arroyo.

Ayon kay Badion, “Liban sa sobrang huli na ang naging pagsasampa ng mga kaso laban kay CGMA, naniniwala kaming ginagamit lang ni Aquino ang impeachment case para mapabango ang kanyang imahe at mapagtakpan ang lumalalang kahirapang dinaranas ng mamamayan sa ilalim ng kanyang panunungkulan.”

“Higit pa sa pagtitiyak na mapanagot si Gng. Arroyo, malaki rin ang kinalaman ng mga naging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pamamahagi ng lupain ng mga Cojuangco sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita,” dagdag ni Badion.###

Reference: Carlito Badion, Kadamay national vice chair (09393873736)

No comments:

Post a Comment