PRESS RELEASE
22 January 2012
Pinabulaanan ng militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang binabanggit ng Department of Energy (DOE) na ang bago nitong programang E-Trike ay isang alternatibong solusyon ng mamamayan para sa di-maabatang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
"Walang kaginhawahang idudulot ang e-trike at iba pang de-kuryenteng transportasyon na inilalako ng DOE sa taumbayan kung hindi rin naman nito aaksyunan ang napakataas na halaga ng kuryente sa bansa," ayon kay Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay.
Bagamat nagkaltas na ng 5 sentimos kada kilowatt hour ang Meralco sa singil sa kuryente ngayong Enero, nananatiling pinakamataas pa rin ang power rate ng bansa sa buong Asya, habang panlima naman ito na pinakamataas sa buong mundo.
Dagdag pa ng grupo, "Pilit na nililihis ng gubyerno ang usapin hinggil sa oil price hike, sa halip na kilalanin na ang problema ng maya't-mayang pagtaas sa presyo ng langis ay ang patakarang deregulasyon sa bisa ng batas na Oil Deregulation Law."
"Hindi umano tinupad ni Aquino ang pangako nito sa mamamayan na i-review ang Oil Deregulation Law. Nasasapatan na lang ito sa pantawid-pasada program at sa maliitang price roll back na madalang pa sa patak ng ulan. Nagpapakita lang ito na walang plano ang gubyerno na bunutin ang ugat ng problema sa langis sa bansa," dagdag ni Arellano.
Pribatisasyon ng Napocor
Ayon din sa grupo, inutil diumano ang gubyerno at ang DOE para arestuhin ang napakataas ng presyo ng kuryente sa bansa. Kagaya ng Oil Deregulation Law, ang batas na EPIRA o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001 ang diumano'y nasa likod ng mataas na singil sa kuryente.
"Itinakda ng EPIRA ang unti-unting pribatisasyon ng mga asset ng Napocor, na nagtulak naman sa nasabing kompanya para ipasa ang malaking utang nito sa mga consumer, sa halip na balikatin ito gubyerno," ani Arellano.
Dagdag pa ng lider, "Dulot ng mataas na singil sa kuryente, at ang halos kada-linggong pagtaas ng presyo ng petrolyo, labis na ang sakripisyo ng maralita. Hirap na silang pagkasyahin ang abereyds na P200 kita nito para sa mga gastusin sa araw-araw, kabilang na ang pagkain at pagpasok ng mga bata sa eskwelahan."
Walang pagpipiliian
"Nanatiling walang pagpipilian ang mga tsuper, pasahero at taumbayan sa de-kuryente man, o de-gasolinang moda ng transportasyon," ani Arellano.
Banta ring ng grupo, "Kakaharapin ng taumbayan ang papamahal pang presyo ng pamasahe at bilihin, hangga't pinapanatili ng administrasyong Aquino ang Oil Deregulation Law at EPIRA, at ang pagiging sunud-sunuran nito sa dikta ng mga dayuhang kartel ng langis at negosyante ng kuryente." ###
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national secretary-general (0921.392.7457)
No comments:
Post a Comment