Translate

Friday, January 27, 2012

Malaking pagkilos sa Lunes, ikakasa sa Korte Suprema at Mendiola laban demolisyon ng mga komunidad ng maralita

PRESS RELEASE
27 January 2012


Naghahanda na ang mga grupo ng maralitang lungsod sa Kamaynilaan at mga taga-suporta nila sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon para sa isang pagkilos patungong Korte Suprema at Mendiola sa Lunes. Mananawagan sila gubyerno ng pambansang tigil-demolisyon laban sa tumitinding atake sa kanilang mga tirahan at kabuhayan.

Lalahok sa nasabing pagkilos ang iba't-ibang grupo ng maralita kabilang na ang mga residente ng North Triangle, Corazon de Jesus, at iba pang grupo sa panguguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Giit ng mga maralita sa Korte Suprema na mag-iisyu ng Temporary Restraining Order sa mga proyekto sa ilalim ng programang Public-Private Partnership. "Ang PPP ni Aquino ang nasa likod ng malawakang pagpapalayas sa mga maralita mula sa kanilang komunidad," ayon kay Carlito Badion, lead convenor ng Alyansa Kontra Demolisyon.

"Upang ipakita ni Corona na siya ay isang tunay na public servant, dapat isalawang-bisa ng Korte Suprema ang National Drive Against Professional Squatters and Squatting Syndicates (NDAPSSS) na nilikha ng isang executive order ni Arroyo, at ipinagpapatuloy naman ng kasalukyang gubyerno. Ito diumano'y may layuning masawata ang problema ng squatting sa bansa," dagdag ni Badion.

'Collateral Damage'
Ayon pa kay Badion, "Sa Public-Private Partnership ni Aquino, nagiging 'collateral damage' ang mga maralita at ang kanilang kabahayan para sa kaunlaran na pakikinabangan lamang ng mga dayuhan at iilang negosyante."

Ani Badion, "Ang bulok na programa ng gubyerno sa pabahay na nanatiling mga off-city relocation na walang kabuhayan at serbisyong panlipunan ang dahilan ng pagbalik ng mga nag-relocate. Walang karapatan ang gubyerno na ikriminalisa ang mga bumabalik ng mga relocatees at tawagin silang mga professional squatter, hangga't hindi inaayos ng National Housing Authority ang programa ng gubyerno sa pabahay."

Dagdag pa niya, "Kung meron mang mga nagnenegosyo mula sa pag-iiskwater na tinatawag nitong 'squatting syndicate', sila ay iilang grupo lang, at kadalasan ay may koneksyon pa sila sa mismong pamahalaan."

Local committes vs professional squatting
Binira rin ng grupo ang panawagan ni DILG Secretary Rodredo sa mga lider ng mga lungsod at mga munisipyo sa buong bansa na lumikha ng mga local committees laban sa mga professional squatters at squatting synidicate.

Ayon kay Robredo, binibigyan ng mandato sa Urban Development and Housing Act (UDHA) o RA 7279 ang mga lokal na opisyal para sawatain ang problema sa squatting.

Ngunit tugon ni Badion, "Batay sa inilabas na pag-aaral ng DILG noong Mayo 2011, na nagsasaad na hindi epektibo bilang sagot ang off-city relocation sa problema sa pabahay ng maralitang lungsod, dapat ay naiintindihan na ni Robredo ang kalagayan sa mga relocation site, kung kaya't bumabalik sa lungsod ang mga tinatawag nilang 'professional squatters'.

"Ang panawagang ito ni Robredo ay magbibigay lamang ng higit pang kapangyarihan sa mga LGU para magsagawa ng malalalang paglabag sa karapatan ng mga maralita kagaya ng ginawa ng mga Ejercito sa mga residente ng San Juan," pinunto ni Badion.

Mas matinding depensa
Nagbanta naman ang grupong Kadamay na kakaharapin ng gubyerno ang mas matindi pang paglaban ng mga maralita sa mga plano nitong demolisyon ng mga maralitang komunidad sa buong bansa.

"Higit pa sa ipinakita ng mga maralita ng San Juan ang barikadang-bayan na sasalubong sa gubyerno sa bawat pagtatangka nitong wasakin ang aming mga tirahan at kabuhayan," ayon kay Leona Sarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

Pambansang tigil-demolisyon
Pagkatapos sa Supreme Court ay tutungo naman ang mga maralita sa Mendiola para manawagan kay Pangulong Aquino ng isang 'indefinite moratorium on demolition'.

Binira rin ng grupo ang kawalang-pakialam ng ni Aquino sa naganap na marahas na demolisyon sa San Juan. "Ang kanyang pananahimik ay pagkumpirma lamang na siya ang isang tunay na 'Demolition King' at kalaban ng mulyung-milyong maralitang Pilipino," ani Zarsuela. ###


Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Leonila Zarsuela, Kadamay national chairperson (0912.649.0392)

No comments:

Post a Comment