Translate

Sunday, January 29, 2012

Mga maralita, muling dinahas sa isang pagkilos para sa paninirahan, iginiit sa Korte Suprema ang TRO laban sa demolisyon

PRESS RELEASE
29 January 2012


Dinahas ng mga kapulisan ang nasa 50 kasapi ng militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap(Kadamay)-Quezon City Chapter na nagsagawa ng isang kilos-protesta sa may flagpole ng Quezon City Hall.

Apat na raliyista ang tinangkang hulihin, at isa ang inaresto dahil sa paggigiit ng grupo na makapagprograma sa harap mismo ng Legislative Building upang manawagan sa konseho ng isang tigil-demolisyon sa lungsod.

Ayon kay Sisel Cari, "Ang naganap na pandarahas ay nagpapakita lamang ito sa bangis ng mga pamahalaang panlugsod laban sa mga maralitang nahaharap sa iba't-ibang banta ng pagpapalayas sa komunidad."

Ayon kay Sisel Cari, chairperson ng Kadamay-QC, “Ang lungsod Quezon ay tumatayong epicenter ng kaunlaran sa buong bansa, ngunit kaakibat nito ang malawakang pagpapalayas sa mga maralita ng lungsod mula sa kanilang mga komunidad.”

PPP Projects

Diumano, kalakhan sa mga proyekto na saklaw ng programang Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino ay planong ipatupad sa QC, kabilang na dito ang Quezon City-Central Business District District (QC-CBD), C5-North Extension Project, National Government Center (West and Eastside Development Projects), Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project, C5-North Extension Project at MRT 7.

Marami ring mga kabahayan sa tabing–estero sa lungsod ang tatamaan ng clering operation ng pamahalaan sa pagpapatupad nito ng Pasig River Rehabilitation Project. Pawang prayoridad diumano ng pambansang pamahalaan, katuwang ang pamahalaang panlungsod ang pagpapalayas sa mga naakatira sa Damayang Lagi, Bagong Silangan at mga maliliit na estero sa lungsod.

Ayon naman kay Carlito Badion, lead convenor ang Alyansa Kontra Demolisyon, ang malalang paglabag sa karapatang pantao ng mga maralita ay kinukonsente ng pamahalaan. Binira ng grupo ang bagong direktiba ng DILG na naglayong magtayo ng mga local committee against professional squatter and squatting syndicate.

Pambansang tigil-demolisyon

Kasabay ng protesta ng Kadamay-QC, nangalampag naman ang iba pang mga grupo ng maralita at taga-suporta nila sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon sa labas ng Korte Suprema sa Maynila.

Nagsumite sila ng sulat na naglalayong makipagdayalogo sa SC administration para mag-isyu ang mga mahestrado ng isang Temporary Restraining Order laban sa lahat ng demolisyon ng mga maralitang komunidad sa buong bansa.

Ayon pa kay Badion, patuloy ang pananalasa ng 'Demolition King' na nasa sa Malacanang sa paninirahan at kabuhayan ng mga maralita dahil sa pagiging sunud-sunuran umano nito sa interes ng mga dayuhan at lokal na negosyante. ###


Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Sisel Cari, Kadamay QC chairperson (09228761807)
Carlito Badion, Kadamay national chairperson, AKD lead convenor (09393873736)

No comments:

Post a Comment