Translate

Tuesday, January 10, 2012

'Pagdami ng mga deboto ng Itim na Nazareno, tanda ng lumalalang kahirapan'--Kadamay

PRESS RELEASE l 10 JANUARY 2012
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP (KADAMAY)

Ito ang naging pahayag ng grupo ng maralitang lungsod na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) hinggil sa napakalaking bilang ng mga debotong lumahok sa taunang prusisyon sa Piyesta ng Itim na Nazareno.

"Ang kapansin-pansing paglaki ng bilang ng mga nagprusisyon ngayong taon ay nangangahulugan lamang na patuloy na dumadami ang maralitang Pilipino na nag-aasam ng higit na kaginhawaan sa kanilang buhay," ani Gloria Arellano, pambansang pangkalahatang-kalihim ng Kadamay.

"Di gaya ng mga sarbey, ang paglahok sa prusisyon ay mas kongkretong sukatan ng dinaranas kahirapan at ng pangangailangan ng mamamayan,' dagdag ni Arellano.

Diumano rin, nagpapakita lamang ito na walang nagawa ang administrasyong Aquino para mapabuti ang lagay ng mga maralita sa mahigit isang taong nitong panunungkulan sa poder."

Bulok na program kontra-kahirapan
"Masasabing walang epekto ang mga programa kontra-kahirapan ng rehimen tulad ng Conditional Cash Transfer (CCT) ng DSWD, at ang ipinagmamalaki ng DOLE na isang milyong trabahong nalikha ng ahensya noong nakaraang taon," ani Arellano.

Hindi diumano maitatanggi na patuloy na dumarami ang mga kababayan nating lumalapit sa Poong Nazareno para sa kanilang mga pangangailangan mula sa medikal hanggang sa mga pinansyal na kahilingan.

Dagdag pa ng Kadamay, patuloy pang madagdagan sa mga darating na taon ang bilang ng deboto ng Poong Nazareno hangga't patuloy na kinakaltasan ng gubyerno ang pondo para sa mga batayang serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon at pangkalusugan, at inilalaan ito para sa milittary, pagbabayad sa mga utang panlabas,at sa mga depektibong programa gaya ng CCT.

Balakid sa pagtamo ng kaginhawaan
Ayon pa kay Arellano, "malaking balakid ang administrasyong Aquino para makamit ng mamamayan ang mga higit na kinakailangang programa gaya na tunay ng reporma agraryo at pambansang industriyalisasyon."

"Sa pamamahagi ng mga lupa sa mga naghihirap na magsasaka sa kanayunan, at sa pagtatayo ng mga industriyang ligtas sa dikta ng mga dayuhan na lilikha ng mga trabaho, tanging makakawala ang milyun-milyon nating kababayan mula sa tanikala ng kahirapan," ani Arellano.

"Sa gitna ng tumitinding kahirapan, tanging mula sa pag-aasam para sa isang sosyalistang lipunan makakakuha ng kongkretong pag-asa ang milyun-milyong deboto ng Nazareno at ang iba pang naghihirap na mamamayan upang maibsan ang kalbaryong dinaranas nila sa buhay," pagwawakas ni Arellano. ###

REFERENCE: Gloria Arellano l National secretary-general (09213927457)

No comments:

Post a Comment