Translate

Wednesday, January 11, 2012

Trabaho para sa mga taga-Pantukan, ipinanawagan ng Kadamay

PRESS RELEASE l 11 JANUARY 2012
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP (KADAMAY)

Nakakuha ng kakampi ang mga maralitang pinapalayas ng gubyerno sa Pantukan, Compostela Valley sa grupo ng maralitang lungsod na Kadamay. Inaasahan ngayong umaga ang marahas na sagupaan sa pagitan ng demolition team na binubuo ng mga militar at ng mga nagmamatigas na mga residente.

Ayon sa tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap na si Bea Arellano, sa halip na pwersahang paalisin ang mga maralita mula sa kanilang mga tahanan ay dapat tiyakin muna ng pamahalaan ang kongkretong plano nito para sa maayos na relokasyon at mayroong kabuhayang nakalaan para sa mga pamilyang ililikas.

Mayroong aabot sa 20,000 pamilya mula sa bayan ng Pantukan ang nakatira sa lugar na idineklarang “no habitation zone” ng gubyerno. Ang ilan sa kanila ay binigyan lamang hanggang kahapon para magkusang lisanin ang kanilang lugar.

Makailang beses ng sinalanta ng landslide ang mga maralita sa paligid ng mga minahan Compostela Valley sa mga nagdaang taon, pinakahuli noong Enero 5 na kumitil sa 36 na buhay sa pinakahuling tala.

Mga maralita sa mga danger areas

Dagdag pa ni Arellano, “ang kalagayan ng mga pamilya sa Pantukan ay walang kaibahan sa daan-daang libong pamilyang maralita sa buong bansa na nakatira sa mga tabing-estero at iba pang danger areas. At kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno ang pagtira sa mga mapanganib na lugar ay patuloy pa rin silang naninirahan dito kung saan mayroon silang tiyak na kabuhayan at pagkakakitaan."

Higit sa 80,000 pamilya na nakatira sa Metro Manila ay nahaharap din sa mga sapilitang pagpapalayas na isinasagawa ng pamahalaan, ayon sa datos ng MMDA.

Kahit maraming buhay na ang nawala at mapanganib ang kanilang kalagayan, nahihirapan pa rin ang ating pamahalaan na paalisin ang mga maralita sa mga danger areas.

Ayon sa Kadamay, “bulag ng gubyerno sa tunay na dahilan kung bakit pinipiling tumira ng mga maralita sa mga peligrosong lugar.”

“Hindi nito nakikita ang napakalaking kakulangan sa paglikha ng mga disenteng trabaho na may nakakabubuhay na sahod, upang iwan nila ang mga delikadong trabaho at ang mga lugar kung saan sila nakakadiskarte ng pangkabuhayan sa kabila ng peligrong kinakaharap sa pang-araw-araw,” ani Arellano.

Bulok na programa kontra-kahirapan

“Sa higit isa’t kalahating taon ni Aquino sa panunungkulan, hindi pa rin nararamdaman ng mga maralita ang mga programa kontra-kahirapan ng gubyerno gaya multi-bilyong CCT ng DSWD at ang ipinagmamalaki ng DOLE na nalikhang isang milyong trabaho noong nakaraang taon.

Sa pinakahiling survey ng Pulse Asia, 38% o 4 sa 10 Pilipino ang nagsasabing masama ang takbo ng ekonomiya ng bansa kumpara sa taong 2010.

Banggit pa ni Arellano, mananatili ang malakas na paglaban ng maralita para sa kanilang paninirahan kahit sa mga peligrosong lugar hangga't hindi natutugunan ng pamahalaan ang lumalang kawalan ng trabaho at kahirapan, at kumikiling ito sa interes ng iilan at mga dayuhan. ###

REFERENCE: Bea Arellano l National secretary-general (09213927457)

No comments:

Post a Comment