Translate

Friday, February 3, 2012

Grupong Kadamay, nanawagan sa gobyernong itigil ang kontraktwalisasyon [Para solusyunan ang lumalalang underemployment sa bansa]

PRESS RELEASE
3 Pebrero 2012


"Ang kontraktwalisasyon sa paggawa ang nasa likod ng mataas na underemployment rate sa bansa, at dapat kagyat na ihinto ng administrasyong Aquino ang implementasyon nito."

Ito ang sagot ng militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa bagong datos na inilabas ng National Statistics Office (NSO) na nagsasabing 19.3% ng lakas paggawa sa bansa o halos 7.2 milyong manggagawa ang hindi nasasapatan sa haba ng oras ng kanilang trabaho. Tumaas ito ng 0.5% mula sa 18.8% noong 2010.

Ayon kay Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay, "Ang mataas na bilang ng mga manggagawang hindi nasasapatan sa kanilang mga trabaho ay naging kalakaran na sa bansa sa pagsasabatas ng Republic Act 6715 of 1989 o ang Herrera Law." Ito umano ang nagpahintulot sa kontraktwalisasyon sa paggawa, at nag-alis ang lahat ng karapatan ng mga manggagawa gaya ng pag-uunyon, pagtanggap ng minimum napasahod at ng mga karampatang benepisyo."

Dagdag pa ni Arellano, "Sinundan pa ang Herrera Law ng marami pang batas, panukalang batas, mga kautusan ng korte at mga patakaran ng mga ahensya ng gobyerno na nakabalangkas sa pagpapalaganap ng kontraktwalisasyon."

Ang paglala ng kahirapang dinaranas ng higit sa 30 milyong maralitang lungsod sa bansa ay umano'y dulot ng kawalan ng mga permanenteng trabaho na may sapat na sahod.

Maliit na sahod

"Sa aabot sa P150-200 na arawang kita ng kalakhan sa mga may trabahong maralitang lungsod, hindi na nila kinakayang mabigyan ng disenteng tirahan at iba ang pangangailan ng kanilang pamilya gaya ng edukasyon at pagpapagamot. Sa pagkain pa lamang ng pamilya at pamasahe papunta sa trabaho, ubos na ang kita ng mga manggagawa," ani Arellano.

Hirit pa ng grupo, "Hindi dapat samantalahin ng mga dayuhan at lokal na negosyante ang malawak na kawalan ng trabaho sa bansa para isuong ang mga manggagawa
sa hindi makataong kalagayan sa kanilang trabaho, habang kakarampot na sahod pa rin ang ibinibigay sa kanila."

Nanawagan si Arellano sa administrasyong Aquino na huwag konsentihin ang ganitong kalakaran, at kagyat na ibasura ang Department Order No.18-02 ng Departpent of Labor and Employment (DOLE) na umano'y nagtuturo pa sa mga kapitalista na pagsamantalahan ang mga manggagawa.

Lumiit na bilang ng walang trabaho

Sa kabilang banda, ikinagulat ng Kadamay ang lumiit na bilang ng mga walang trabaho sa bansa, na ayon sa NSO ay nasa 2.8 milyong Pilipino na lamang, bumaba ng 0.3% mula sa 3.3% noong nakaraang taon.

Ayon kay Arellano, kada taon ay libu-libong magsasaka ng tumutungo sa kalunsuran upang maghanap ng kanilang ikabubuhay, at sa ngayon, kahit mga menor-de-edad ay naghahanap na ng trabaho para lamang makakain ang kanilang pamilya. "Hindi dapat ikonsidera ng gubyerno bilang mga 'trabaho' ang mga panandaliang programang iniaalok nito sa mga maralita gaya ng mga cash-for-work at emergency employment programs na halos linggo lang ang itinatagal."

"Hanggat hindi nililikha ng gubyerno ang mga lokal na industriyang hindi sumusunod sa mga neoliberal na patakaran tulad ng kontraktwalisasyon, gayundin ang tunay na repormang agraryo sa kanayunan, taun-taon ay kakaharapin ng gubyerno ang matinding suliranin ng kawalan at kakulangan ng trabaho sa bansa," banta ni Arellano. ###


Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Gloria Arellano, national secretary-general (0921.392.7457)

No comments:

Post a Comment