RELEASE l Marso 20, 2012
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national sec-gen, 09213927457
Pinaghahandaan na ngayon ng militanteng grupong Kadamay ang isang malaking martsa ng maralita patungong Malacanang sa Marso 23 para obligahin ang administrasyong Aquino na itigil na nito ang pambubusabos sa mga maralita sa pagsasawalang kibo nito sa mga walang habas na pagtaas na presyo ng produktong petrolyo sa lokal na merkado.
Kaninang madaling araw ay nagtaas ang ilang kumpanya ng langis ng P0.60 kada litro sa diesel at kerosine, samantalang P0.70 sa gasolina.
Ayon sa pahayag ng Kadamay, sagot ang nasabing malaking pagkilos ng maralita sa pagmamaliit umano ng mga Malcanang sa ikinasang protestang bayan noong Marso 15 na nilahukan ng maraming komunidad sa Metro Manila, gayundin sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis at atake ng gubyerno sa paninirarahan ng maralita.
Ngayong araw umano ay magsasagawa na sila ng mga patikim na protesta sa isang istasyon ng gasolina, at low-cost housing firm na diumano'y walang pinag-iba sa pagkaganid ng oil kartel sa pagkamal ng tubo mula sa mga maralita.
Ayon kay Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay, "Paanong hindi maghihirap ang milyung-milyong Pilipino gayong kasabwat diumano ng pamahalaan ng mga dayuhan at lokal na mga negosyante na pangunahing nagpapahirap sa maralita."
Diumano, gagawin nila ang lahat upang mapakilos ang pinakamalaking bilang ng mga maralita sa buong bansa lalo na sa Kamaynilaan sa araw ng Marso 23 at sa mga darating pang mga araw hangga't hindi inaaksyunan ng gubyerno ang usapin sa langis at pananalasa nito sa kanilang tirahan.
Nanawagan din ang grupo sa Malakanyang na wag maliitin ang isasagawa nilang protesta sa Biyernes. Diumano, habang lumalala ang kagutuman, at dumarami ang naghihirap dahil sa pagtaas ng presyo ng bilihin at langis, at ang mga nagiging biktima ng mga demolisyon at ng bulok na relokasyon ng pamahalaan, asahan ang mas malalaki at mas militanteng pagkilos sa pangunguna ng sektor ng maralitang lungsod.
Nanaawagan din ang grupo ng kaagad aksyunan ni Aquino ang mga hinaing ng maralita. kasama na dito ang pagpapabasura ng Oil Deregulation Law, gayundin ang Urban Development and Housing act. ###