RELEASE l Marso 16, 2012
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national secretary-general (0921.392.7457)
Nagkakasa na ng mas malaking pagkilos ang mga maralitang lungsod sa Metro Manila patungong Mendiola sa Marso 23 laban sa umano’y kawalang-pakialam ng Malacanang sa lumalang kahirapang kanilang dinaranas dulot walang habas na pagtaas ng presyo ng langis at demolisyon ng kanilang mga tahanan.
Ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), hindi man lang natinag bagkus ay minaliit pa ng Palasyo ang naging kilos protesta ng mamamayan kahapon laban sa OPH.
“Pilit pang ikinahon ng Palasyo ang naging pagkilos kahapon sa isang simpleng ‘transport strike’ na hindi diumano nilahukan ng mga transport groups,” ayon kay Gloria Arellano, lider ng militanteng grupong Kadamay na kahapon ay naglunsad ng ilang minutong panghaharang sa EDSA kasama ang mga residente ng North Triangle sa Quezon City.
“Dapat makita ng Palasyo na sa aktwal ang pagkilos kahapon ay hindi talaga isang ‘transport strike’. Higit pa, dapat mabatid ng Palasyo ng hindi lang ito isang trasport caravan na pinangunahan ng Piston. Ang naganap kahapon ay isang protestang bayan na nilahukan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan mula sa kababaihan estudyante at kabataan, at ng mga maralitang-lungsod na liban sa mga tsuper ay umaaray na rin sa kawalang-aksyon ng gubyerno sa isyu ng OPH,” dagdag ng lider.
Kahapon ay nakapagkilos ang Kadamay ng aabot sa 3,000 mga maralita sa mga protest center sa iba’t-ibang panig ng Metro Manila, batay sa inisyal na datos na nakalap ng grupo. Tampok dito ang naging panghaharang sa EDSA sa North Triangle na nilahukan ng higit sa 300 maralita.
Ayon pa sa Kadamay, di pa kasama dito ang bilang ng iba pang maralitang lungsod sa ilalim ng Kadamay sa Cebu, Davao, Butuan, General Santos, Cagayan De Oro, Iloilo, Tacloban, Bagiuo, at isa iba pang syudad sa buong bansa.
Ani Arellano, ‘patikim’ pa lamang ang naganap na pagkilos kahapon. Inaasahan na namin na mamaliitin ng Malacanang ang naganap na kilos-protesta kahapon laban sa OPH. Kaya’t matagal na nilang pinaghandaan ang isang malaking pagkilos patungong Mendiola na magaganap sa Marso 23.
Kagaya ng katangian ng protestang bayan kahapon, pambansa rin ang nabanggit na pagkilos ng maralita sa Marso 23. Labas pa sa pagkilos laban sa pagtaas ng presyo ng langis, magiging kasabay ang pagkilos sa Marso 23 ng ika-20 taon ng Urban Development and Housing Act na ayon sa Kadamay ay naghatid ng kalbaryo sa sektor ng maralitang-lungsod.
Sa Metro Manila pa lamang, tumataya ang Kadamay kasama ang Alyansa Kontra Demolisyon ng hindi bababa sa 5,000 maralitang magmamartsa patungong Malacanang sa Marso 23. ###
No comments:
Post a Comment