Translate

Wednesday, January 9, 2013

Grupong Kadamay, nanawagan sa mga deboto ng Nazareno na lumahok din sa mga protesta laban sa kahirapan at pambubusabos ng gubyerno


Nagpahayag ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa mahigit 9 na milyong maralitang deboto ng Itim na Nazareno na liban sa paglahok sa taunang prusisyon ng milagrosong poon, maaari at mas madaling mababago ang hikahos nilang kalagayan kung lalahok sila sa mga protestang bayan para isulong ang tunay na panlipunang pagbabago.

Dagdag pa ng grupo, ang dahilan ng paglobo kada-taon ng mga maralitang lumalahok sa prusisyon ng Poong Nazareno ay walang iba kundi ang patuloy na tumitinding kahirapang hindi nagagawang aksyunan ng kasalukuyan at mga nagdaang administrasyon.

Pagtalikod ng gubyerno sa pampublikong kalusugan

Kalakhan sa kahilingan ng mga deboto ay may kaugnayan sa problema sa kalusugan na dulot umano ng ginagawang pagtalikod ng gubyernong malaan ng sapat na mga serbisyong pangkalusugan kasama ng iba pang serbisyong panlipunan.

"Ngayong taon ay inaasahan natin ang pagratsada ng pribatisasyon ng hindi bababa sa 26 na pampublikong ospital sa buong bansa na takbuhan ng ating mga maralitang kababayan," ani Gloria Arellano, tagapangulo ng Kadamay.

Ayon sa lider, kung hindi kikilos ang ating mga maralitang kababayan at tutulan ang planong pribatisasyon ng ospital, at iba pang pangkaunlarang programa sa ilalim ng Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino, tiyak na lalala pa ang kahirapang dinaranas ng mamamayan.

Hamon sa mga deboto at sa gubyerno

"Hinahamon namin ang ating mga kababayang maralita na iturol sa kasalukuyang gubyerno ang ating sama-samang panawagan at pagkilos para labanan ang nakaambang pribatisasyon ng mga pampublikong ospital at manawagan tayo sa ating gubyerno na maglikha ng mga tunay na programang mag-aangat sa atin sa kahirapan," ani Arellano.

Nanawagan din kami kay Pangulong Aquino na itigil na ang pangangarap ng gising na masusulusyonan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang kahirapang dinanaranas ng mga Pilipino.

"Hangga't hindi lumilikha ang gubyerno ng batayang industriyang lilikha ng mga trabaho, at ipapatupad ang tunay na repormang agraryo, mananatiling maralita ang mayorya ng mga Pilipino," pagwawakas ni Arellano. ### 

Reference: Gloria Arellano, Kadamay national chair, 0921.392.7457

No comments:

Post a Comment