Translate

Monday, February 18, 2013

Mga maralita ng Montalban, lumusob sa tanggapan ng New San Jose Builders at NHA sa QC


Ilang grupo ng maralitang lungsod mula sa mga pabahay ng gubyerno sa Kasiglahan Village sa Rodriguez (Montalban), Rizal ang magtutungo ngayong umaga sa tanggapan ng New San Jose Builders, Inc (NSJB) at National Housing Authority (NHA) sa Quezon City upang kondenahin ang ginawang malawakang pagputol ng suplay ng kuryente sa relokasyon.

Ayon kay Merlin Palconi, lider ng samahang Kadamay-Anakpawis Habagat Chapter, aabot sa 2,000 maralitang pamilya ang tinanggalan ng NSJB at NHA ng suplay ng kuryente noong nakaraang linggo dahil sa hindi sila makapagbayad sa mataas na singilin. 

Matagal na umanong inirereklamo ng mga maralita ang nakamamatay na kalagayan sa relokasyong pinamamahalaan ng NHA, ani Palconi. 

Dagdag pa ng lider, isang matanda rin ang noong makalawa lamang ay binawian ng buhay matapos masunog ang buong katawan ng apoy na nagmula sa nakasinding kandila matapos putulan ng NSJB at NHA ng suplay ng kuryente ang kanilang lugar.

Pangungunahan ng Montalban Relocatees Alliance at Kalipunan ng Damayang Mahihirap ang pagkilos ngayong umaga ng mga maralita na naglalayong makausap ang matataas na opisyales ng NSJB at NHA.

Plano nilang barikadahan ang pasukan ng opisina ng mga nasabing ahensya hangga't hindi umano sila hinaharap ng mga opisyales na naglugmok sa kanila sa kasalukuyan nilang kalagayan.

Mga protesta ng maralita

Kinondena naman ng grupong Kadamay ang ginagawang malawakang demolisyon sa Metro Manila na isinasagawa ng administrasyong Aquino habang nanatiling kapos sa mga batayang serbisyong panlipunan ang mga negosyong pabahay na pinagdadalahan sa mga biktima ng relokasyon.

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, hindi nakapagtatakang malakas ang paglaban ng mga maralitang nahaharap sa iba't ibang demolisyon sa Metro Manila at sa buong bansa, pangunahin dahil sa programang Public-Private Partnership.

Bago mag-Hunyo, plano ng DILG, DPWH at MMDA na palayasin ang mahigit sa 20,000 maralitang nakatira sa tabi ng anim na mayor na waterways sa Metro Manila. Nanatiling off-city relocation sa Gaya-Gaya, San Jose Del Monte, Bulcacan at sa Rodirguez, Rizal ang inaalok ng gubyerno sa mga residente.

Kaya't sa mga darating na araw, ani Badion, sa kabila ng ipinagmamalaking paglago ng ekonomiya ng bansa, asahan na umano ng administrasyong Aquino ang kaliwa't kanang protesta ng mga maralitang nahaharap sa banta ng demolisyon at iyong mga naging biktima na ng demolisyon na ngayon ay nakatira na mga relokasyon ng gubyerno. ###

Reference: Carlito Badion, Kadamay national secretary-general, 0939.387.3736

No comments:

Post a Comment