Kasabay ng kabi-kabilang protesta ngayong araw, maglulunsad ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ng limang minutong panghaharang ng mga piling kalsada sa Quezon City at ilang syudad sa Metro Manila at iba pang rehiyon sa bansa. Ito ay pagkondena ng grupo sa umano'y sa mga kontra-maralitang programa ng administrasyong Aquino na nasa likod ng lumalalang kahirapan sa bansa.
Isasabay ng KADAMAY sa kanilang 5-minutes road blockades ang pagsisindi ng kandila para kay Kristel Tejada, ang estudyante ng University of the Philippines Manila na nagkamatay dahil sa hindi kinaya ang pagbabayad ng matrikula sa nasabing pamantasan. Ayon sa grupo, si Kristel ay biktima ng ginagawang pagtalikod ng gubyerno na maglaan ng serbisyong panlipunan sa mamamayan. Ito umano ang isa sa mga pangunahing nagpapalala pa sa kahirapan sa bansa.
Ayon kay Carlito Badion, lider ng grupong KADAMAY, hindi lang si Kristel ang mga maralitang kinitil ang sariling buhay dahil sa hindi na makayanang dalhin ang kahirapan. Sa kabila umano ng ipinagmamalaking paglago ng ekonomiya ni Pangulong Aquino, malinaw na ang malalaking negosyante at dayuhang kompanya lamang ang nakikinabang tanging dito, at hindi ang mas nakararaming naghihirap ng mga Pilipino.
"Mas lalala pa ang kalagayan ng mga maralita sa ilalim ni Aquino sa mga darating na buwan," ani Badion. Panawagan ng kanilang grupo sa pangulo na agarang itigil nito ang pagwasiwas ng mga makadayuhang programa na tuwirang nagpapalala sa kalagayan ng mga maralita gaya ng deregulasyon ng langis, pribatisayon ng mga ospital at mga proyekto sa ilalim ng programang Public-Private Partnership na nagpapalayas sa mga maralita mula sa lugar na pinagkukunan ng kanilang kabuhayan,.
Symbolic road blockades
Ang ilang grupo ng maralita sa mga mangunguna sa pagbabarikada ng kalsada sa ganap na alas-5 ng hapon ay ang September 23 Movement mula sa North Traingle na planong 5-minutong patigilin ang trapiko sa north-bound lane ng EDSA, tulad ng ginawa nila sa protestang bayan noong nakaraang taon laban sa oil overpricing. Panawagan nila ang pagpapahinto sa pagsasapribado ng mga pampubkilong ospital sa bansa, na ayon sa mga maralita ay magdudulot ng pagkamatay ng maraming mahihirap na pasyente.
Plano ring magkasa ngayong protesta ang grupong Koalisyon laban sa Pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center kasama ang KADAMAY-Quezon City sa kahabaan ng Mindanao Avenue.
Samantala, ang mga taga-Barangay Payatas at Commonwealth naman ay planong 5-minutong babarikadahan ang Litex Road ngayong hapon laban naman sa planong demolisyon ng kanilang komunidad para bigyang daan ang nagkukunwaring serbisyong pabahay na Bistekville Housing ng lokal na pamahalaan.
Magsasagawa rin ng mga symbolic road blockades ang mga maralita sa Caloocan sa C3 Road, at sa Camarin cor Zapote Road. Lalahok din ang mga relocatees sa Montalban na planong sandaling harangan ang Kasiglahan Village Highway.
Ayon sa Kadamay, maglulunsad din ng iba't ibang porma ang mga chapter nito sa Tacloban City, Bacolod City, Cagayan de Oro City at iba pang syudad sa iba pang rehiyon sa bansa.
Kalbaryo ng maralita
"Patikim pa lamang ang gagawin naming panghaharang ng kalsada para iparating sa administrasyong Aquino na imbes na bumuti ay lumalala pa ang kalagayan ng mamamayan sa tatlong taon ng kanyang panunungkulan," ani Badion.
Ang mga maralitang magpoprotesta sa Metro Manila ay planong magsama-sama sa Marso 25, unang araw ng Semana Santa, upang maglunsad ng Kalbaryo ng Maralita na isang malaking martsa-protesta patungong US Embassy at Mendiola laban sa mga makadayuhan at mapanupil na patakaran ng administrasyong Aquino.###
Reference: Carlito Badion, KADAMAY National Secretary-General, 0939.387.3736
No comments:
Post a Comment