Translate

Thursday, March 21, 2013

Magkakasabay na barikada ng mga kalsada, ikinasa laban sa kontra-maralitang programa ni Aquino


Bilang bahagi ng kabi-kabilang protesta ngayong araw sa buong bansa, naglunsad ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ng limang-minutong panghaharang sa mga piling kalsada sa Quezon City at ilang syudad sa Metro Manila at mga rehiyon sa ganap na alas-5 ng hapon. Ito ay bilang pagkondena sa lumalalang kahirapang dinaranas ng mga maralita na ayon sa grupo ay epekto ng mga kontra-maralitang programa ng administrasyong Aquino.

Isinabay ng KADAMAY sa kanilang 5-minute road blockades ang pagsisindi ng kandila para kay Kristel Tejada, ang estudyante ng University of the Philippines Manila na nagpakamatay dahil sa hindi kinaya ang pagbabayad ng matrikula sa nasabing pamantasan. Ayon sa grupo, si Kristel ay biktima ng ginagawang pagtalikod ng gubyerno na maglaan ng serbisyong panlipunan sa mamamayan. Ito umano ang isa sa mga pangunahing nagpapalala pa sa kahirapan sa bansa.

Ayon kay Carlito Badion, lider ng grupong KADAMAY, hindi lang si Kristel ang mga maralitang kinitil ang sariling buhay dahil hindi na nila makayanan ang matinding kahirapan. Lamalabas umano na buladas lamang ang ipinagyayabang ni Aquino na paglago ng ekonomiya ni Pangulong Aquino sapagkat ang katotohan ay mas dumami pa ang naghihirap na mga Pilipino sa kasalukyan.

Lumalalang kahirapan laban sa pribatisasyon ng pampublikong ospital

Ayon mismo sa United Nations Development Program (UNDP), walang naging pag-unlad sa ranking ng bansa sa Human Development Index para sa taong 2013. Nanatili sa ika-114 pwesto ang Pilinas sa loob ng 5 taon sa hanayan 
ng mga bansa kung gagamiting sukatan ang estado ng kalusugan, edukasyon at kita ng mamamayan nito.

Sapagkat inaasahang mas lalala pa ang kalagayan ng mga maralita sa ilalim ni Aquino sa mga darating na buwan, panawagan ng KADAMAY sa gubyerno na agarang itigil ang mga makadayuhang programa na tuwirang nagpapalala sa kalagayan ng mga maralita gaya ng deregulasyon ng langis, pribatisayon ng mga ospital at mga proyekto sa ilalim ng programang Public-Private Partnership na nagpapalayas sa mga maralita mula sa lugar na pinagkukunan ng kanilang kabuhayan..

Panghaharang ng kalsada

Pinangunahan ng September 23 Movement at Anakpawis North Triangle ang 5-minutong barikada sa north-bound lane ng EDSA, tulad ng ginawa nila sa protestang bayan noong nakaraang taon laban sa oil overpricing. Ngayong taon, nanawagan sila ng pagpapahinto ng bidding process ng PPP project na Modernization of Philippine Orthopedic Center.

Nagkasa rin ng parehas na protesta ang Koalisyon laban sa Pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center-QC kasama ang KADAMAY at AkapBata Disctrict 6-QC sa kahabaan ng Mindanao Avenue.

Sa ibang lungsod sa Metro Manila, nagsagawa rin ng mga sandaling pangahaharang ang mga maralita tulad ng C3 Road, at sa Camarin cor Zapote Road sa Caloocan City. Hindi rin nagpahuli ang mga relocatees sa Rodriguez, Rizal sa pangunguna ng Montalban Relocatees Alliance na sandaling binarikadahan ang Kasiglahan Village Highway.

Ang KADAMAY Cagayan De Oro City naman ay naglunsad ng protesta sa labas ng Northern Mindanao Regional Hospital, habang ang KADAMAY Bacolod City ay nangharang din ng kalsada sa harap ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

Kalbaryo ng maralita

"Patikim pa lamang ang gagawin naming panghaharang ng kalsada ngayong araw upang ipakita ang tatlong kalbaryo ng maralita sa ilalim ng administrasyong Aquino," ani Badion na nagpahayag na masusundan pa ito ng mas malalaki at mas militante pang pagkilos sa mga darating na araw.

Ang mga maralitang nagprotesta sa Metro Manila ngayong araw ay planong magsama-sama sa Marso 25, unang araw ng Semana Santa, upang maglunsad ng Kalbaryo ng Maralita na isang malaking martsa-protesta patungong US Embassy at Mendiola laban sa mga makadayuhan at mapanupil na patakaran ng administrasyong Aquino. ###

Reference: Carlito Badion, KADAMAY National Secretary-General, 0939.387.3736 

No comments:

Post a Comment