Translate

Tuesday, March 19, 2013

Mga maralitang nagpapakatiwakal dahil sa kahirapan gaya ni Kristel Tejada, tiyak na madadagdagan pa


Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY kaugnay sa kaso ni Kristel Tejada, isang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila na nagpakamatay dalawang-araw mula nang mapilitang mag-file ng leave-of-absence matapos hindi mabayaran ang matrikulang nagkakahalagang P10,000 sa nasabing unibersidad. 

Kasabay ng kabi-kabilang protesta ng iba't ibang grupo ngayong araw, maglulunsad ang KADAMAY ng limang minutong panghaharang sa kalsada sa Quezon City at ilang lugar sa Metro Manila bilang pagkondena sa lumalalang kahirapang dinaranas ng mga maralita sa bansa. Bahagi ng nasabing protesta ang pag-aalay ng kandila para sa estudyante. 

Ayon sa KADAMAY, si Kristel at ang kanyang mga magulang na nakatira sa Tondo at nabubuhay lamang sa kakarampot na kita araw-araw mula sa pagbebenta ng mga tshirt at pamamasada ng taxi, ay malinaw na biktima ng lumalalang kahirapan at pag-abanduna sa serbisyong panlipunan sa ilalim ng administrasyong Aquino. 

Ayon Carlito Badion, lider ng grupong KADAMAY, ang kaso ni Kristel ay isa lamang sa iba pang naitatalang kaso ng pagpapakatiwakal dulot ng labis na kahirapan. 

"Kung matatandaan natin, taong 2007 nang magpakamatay si Mariannet Amper, 12-taong batang babae, matapos hindi makayanan ang matinding kahirapan, kagutuman at kawalang kabuhayan na nararanasan ng kanyang pamilya. Hindi din ito hiwalay sa dumaraming bilang ng mga krimen, prostitusyon at iba pang kaso para lamang matugunan ang pangangailangan sa araw-araw. At bagamat mali, hindi natin masisisi ang mga maralita na nasasadlak sa ganitong gawain dahil na rin sa napakatinding kahirapan," ani Badion. 

"Matapos ang insidente, nagpahayag ang Malacanang na wala itong kontrol umano sa mga pinapatupad na polisiya ng administasyon ng UP Manila. Hibang na nagmungkahe pa ito na i-ban ang paggamit ng silver cleaner, habang kibit balakit sa paglala ng kahirapan sa bansa sa kabila ng ipinagmamalaking pag-unlad ng ekonomiya,” dagdag ni Badion.

Ayon pa sa lider, ang patuloy na umiiral na mga makadayuhan at makanegosyanteng programa gaya ng Public-Private Partnership na ipinapatupad ng gobyerno ang siyang nagtutulak sa pagpapabaya sa serbisyong panlipunan kagaya ng edukasyon. 

Habang laganap umano ang kawalang-trabaho, mababang pasahod, nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo, malawakang demolisyon ng tirahan at kabuhayan ng mga maralita, at ang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital sa bansa, hindi malayo na lalong lalala ang kasalukuyang kalagayan ng bansa. Hindi din nalalayo na mas madami pang mamamayang maralita ang itinutulak ng gubyerno patungo sa mismong kamatayan. ### 

Reference: Carlito Badion, KADAMAY National Secretary-General, 0939.387.3736

No comments:

Post a Comment