Translate

Friday, July 19, 2013

Mga komunidad sa paligid ng Batasan Complex, uumpisahan ang pag-iingay ilang araw bago ang SONA ni Pang. Aquino

Uumpisan ngayong umaga ng mga maralita mula sa komunidad ng Plastikan sa Dona Nicasia Compound, Barangay Commonwealth ang paghahanda ng kanilang protesta. Ito ay sa kabila ng pagbabawal ng kapulisan sa paglulunsad ng protesta malapit sa paligid ng Batasang Pambansa sa araw ng State of the Nation Adress ni Pangulong Aquino.

Ayon sa mga residente, walang patlang na banta ng pagpapalayas mula sa lugar na pinagmumulan kanilang kabuhayan ang kanilang dinaranas sa ilalim ng talong taong panunungkulan ni Aquino. Nabubuhay ang mga residente ng Plastikan mula sa paglilinis at pagbebenta ng mga plastic na nasasalba mula sa kalapit na Payatas Landfill.

Simula pa ng nakaraang taon, isang negosyante ang nagtangkang palayasin ang mga residente sa kanilang lugar ngunit palagi itong nabibigo ng mga residente sa kanilang barikadang bayan. Ngayong buwan, nakatanggap naman ng ulat ang mga residente na palalayasin sila sa kanilang lugar para sa daang itatayo na tatatagos mula Payatas Road patungong Commonwealth Avenue.

Ayon kay Normelito Rubis, lider ng Samahang Nagkakaisa sa Plastikan-KADAMAY, "Walang kapanatagan silang matatamo at ang kanilang pamilya hanggang nasa poder si Aquino. Kaya’t hinihikayat namin ang lahat ng maralitang nahaharap sa mga banta ng demolisyon upang lumahok sa protesta sa SONA."

Protesta sa paligid ng Batasan Complex

Kasama ng mga residente ng Dona Nicasia sa Barangay Commonwealth ang iba pang maralita mula sa komunidad sa mga barangay sa paligid ng Batasan Complex sa kanilang protesta ngayong araw. Sa ganap na alas-5 ng hapon, liban sa Barangay Commonwealth, maglulunsad ng sabay-sabay na protesta ang mga residente ng Barangay Batasan, Bagong Silangan, at Barangay Holy Spirit.

Bahagi ito ng sabay-sabay na protesta ng mga komunidad sa buong Metro Manila sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) at Alyansa Kontra demolisyon laban sa malawakang demolisyon ng tirahan at kabuhayan ng maralita sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa termino ni Aquino, higit sa 580,000 pamilyang maralita ang nakatangkang palayasin ng gubyerno mula sa kanilang mga komunidad sa Metro Manila. Higit sa 100,000 pamilya sa mga ito ang nakatira sa tabi ng mga daanan ng tubig na itinuturing ng gubyernong peligrosong lugar.

59 komunidad sa QC, idedemolis

Samantala, sa datos na nakalap ng KADAMAY, hindi baba sa 59 na komunidad ng maralita ang nakatakdang gibain ng lokal na pamahalaan ng QC ngayong 2013.

“Hindi pa dito kasama ang malalaking komunidad gaya ng North Triangle at mga komunidad na tatamaan ng National Government Center Housing Project na kasalukyang nakabarikada laban sa demolisyon,” ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng KADAMAY.

“Tiyak na malaking bahagi ng maralitang sasama sa protesta sa SONA ni Aquino ay magmumula sa nahaharap sa banta ng demolisyon sa QC,” ayon sa lider.###

References:
Carlito Badion, KADAMAY national secretary-general, 09393873736
Normelito Rubis, Samahang Nagkakaisa sa Plastikan-KADAMAY, 09327208012

No comments:

Post a Comment