Translate

Tuesday, July 15, 2014

Grupong Kadamay, kinondena ang serye ng pamamaslang sa relokasyon sa Montalban

Kinondena ng pambansang opisina ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pinakahuling serye ng pamamaslang sa mga relocatees sa pabahay ng  gubyerno sa sa Southvile 8B, Barangay San Isidro, Rodriguez (Montalban), Rizal. 

Ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay, 3 kasapi ng kanilang grupo na dating mga residente ng Corazon De Jesus, San Juan City, ang pinagbabaril noong Huwebes ng hindi pa nakikilang killer. Nakilala ang mga napaslang na sila Nathaniel Bacolod, 19; Jumer Paraon, 22; at Susan Mamaril. Dalawa pa nilang kasamahan na nagmula rin sa Corazon De Jesus ang sugatan matapos ang pamamaril. Sila si Roberto Moral, 23, at Pascualito Perlito, 21.

Kinondena ni Arellano ang kawalang aksyon ng National Housing Authority na siyang administrador ng mga pabahay sa Montalban, gayundin ang lokal na pamahalaan ng Rodriguez, Rizal kaugnay sa serye ng mga pamamaslang sa relokasyon. 

Sa datos na nakalap ng KADAMAY, bago ang pinakuhuling serye ng pamamaslang, mahigit 32 ng maralita ang pinatay sa pabahay simula Enero. Samantala, kasabay ng pamamaril sa mga kasapi ng Kadamay noong Huwebes, 5 hiwalay na kaso pa ng pamamaslang sa mga relocatees ang naiulat at kasalukuyang kinukompirma pa ng grupo, liban pa sa 2 kaso pa ng pagdukot sa araw ding iyon.

Ayon pa kay Arellano, liban sa matinding kahirapang dinaranas ng mga relocatees, na isa sa nasa likod ng mataas na criminal rate sa relocation site, dagdag alalahanin sa kanila ang hindi makataong pagtrato sa mga relocatees lalo na ang mga nasasangkot sa mga anti-sosyal na gawain gaya ng pagtutulak ng droga at pagnanakaw.

Dagdag pa ng lider, animo'y isang martial law ang ipinapatupad ng pamahalaan sa relokasyon upang kontrolin ang kriminilad at ang pag-aalsa ng mga residente. Naghahatid umano ng sindak sa mga relocatees ang mga armadong sibilyan na gabi-gabi ay nakasakay sa motor na rumuronda sa loob ng relokasyon.

Hinamon ng rin ng grupo ang Commission of Human Rights at si Vice Mayor Jejomar Binay na chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council na paimbestigahan at mapanagot ang mga nasa likod ng mga pamamaslang sa relokasyon. 

Samantala, kinondena naman ng Kadamay si Pangulong Aquino sa pagmamalaki nitong nagastos sa mga pabahay ng informal settlers ang bilyong pisong pondo ng taumbayan na napunta sa DAP.

"Wala umanong kaginahawaang natamo ang mga biktima ng demolisyon ng gubyerno mula sa mga multi-bilyong pabahay ni Aquino, bagkus ibayong kahirapan at pambubusabos," ayon kay Arellano.

Malaking bahagi umano ng kanilang mobilisasyon kasabay ng State of the Nation Adress ni Aquino ay magmumula sa mga off-city relocation ng gubyerno, kabilang na ang mula sa Montalban, Rizal. ###

No comments:

Post a Comment