Hinamon ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang Malacanang na ilabas ang audit report ng bilyun-bilyong pisong Informal Settler Fund, kasabay ng panibagong pagbaha sa Metro Manila na muling naglagay sa peligro sa libu-libo nating kababayan lalo na ang mga nakatira sa tabing-ilog.
Kinondena rin ng grupo ang peligro sa mga off-city relocation sites na nauna nang pinagdalalhan sa mga maralita matapos muling malubog sa taas-bubong na baha ang mga housing units sa pabahay ng gubyerno sa Rodiriguez, Rizal kasabay ng pananalasa ng Bagyong Mario.
Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, walang ibang nasa likod ng panibagong pagbaha sa Metro Manila at ang peligrong hatid nito sa buhay ng mga maralita kundi ang umano'y korupsyon sa ISF. P50B ang kabuuang halaga ng ISF na nakalaan para sa pabahay ng mga maralitang lungsod.
Inilabas ang unang bahagi ng ISF ba nagkakahalaga ng P11.05B noong Oktubre 2011 sa ilalim ng iligal na Disbursement of Acceleration Program (DAP) ni Aquino. P10B dito ay para sa in-city housing ng mga nakatira sa danger areas gaya ng tabing-ilog.
Malatagal ng kinukondena ng Kadamay ang patuloy na pagtatayo ng mga off-city relocation sites ng gubyerno para sa mga maralitang lungsod. Taliwas umano ito sa probisyon na nagsasaad na dapat sa mga in-city housing gastusin ang ISF ayon sa isang dokumentong inilabas ng Department of Budget and Management kaugnay sa nasabing pondo.
“Hindi na nakakapagtaka kung bakit nahihirapan ang gubyernong ilikas ang mga maralita sa mga malalayong relokasyon dahil sa kawalan ng hanapbuhay at batayang serbisyong panlipunan sa nasabing lugar,” ani Badion. "Kumpara sa dati nilang komunidad sa tabing-ilog, mas malala ang pagbaha sa ilang off-city relocation sites ng National Housing Authority (NHA) gaya ng Kasiglahan Village sa Montalban, Rizal at ng Sityo Batya sa Bocaue, Bulacan."
Dagdag pa ng Kadamay, matagal nang naglabas ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng isang pagsusuri taong 2011 na nagsasaad na hindi maka-maralita at epektibong solusyon sa problema sa pabahay sa bansa ang mga off-city relocation sites.
Kasuklam-suklam pa ayon sa Kadamay ang korupsyon sa pondo sa pabahay ng gubyerno na umano'y pinapakinabangan ng matataas na opisyales ng NHA at ng Malacanang.
Ilan sa mga nakinabang umano mula sa ISF ang dating kaklase sa Ateneo ni Aquino na si NHA General Manager Chito Cruz, at ang Executive-Secretary ni Aquino na si Paquito Ochoa, bayaw ni Gerry Acuzar na may-ari ng New san Jose Builders, Inc, ang kumpanyang kumupo sa kalakhan sa mga kontrata sa pagtatayo ng mga off-city relocation sites ng NHA.
Hindi rin umano malayong dawit sa korupsyon ng ISF at ng pondo para sa flood-control program sa Metro Manila ang matataas ng opisyales ng Department of Social Welfare and Development, Department of Public Work and Highways, Metro Manila Development Authority, at ng DILG na ahensyang pangunahing nagpapatupad ng Oplan Likas Program ng administrasyong Aquino.
“Habang libu-libo nating kababayan ang muli na namang nalubog sa baha, patuloy ang pagsabotahe ng administrasyong Aquino sa pondo ng taumbayan sa halip na ilaan upang magbigay-serbisyo sa mga maralitang lungsod. Mananatili ang peligro sa buhay ng ating mga kakababayan at ang madalas na pagbaha sa Metro Manila at sa mga of-city relocation sites ng gubyerno hangga't hindi nasusupil ang talamak na korupsyon sa ating bayan,” ani Badion.
Samantala, nanatiling ang paglikha ng trabaho para sa mga maralita ang tanging makakasagot sa lumalalang problema sa pabahay at ang mataas na bulnerabilidad ng maralita laban sa mga natural na sakuna,” ayon pa sa lider.
No comments:
Post a Comment