Translate

Monday, October 13, 2014

Mga residente ng Macda sa Brgy. Cembo, Makati, naghahanda na sa posibleng demolisyon ngayong umaga


Sa pagtatapos ng 30-araw na palugit na ibinigay ng lokal na pamahalaan upang kusang magbaklas ng bahay, isang noise barrage ang ilulunsad ng mga residente ng Macda sa Brgy Cembo, Makati City laban sa demolisyon ngayong umaga.

Ayong sa mga residente, ang kanilang pangangalampag ay panawagan kay Pangulong Aquino at Bise-Presidente Jejomar Binay na pakinggan ang hiling ng mga maralita na huwag silang itapon sa off-city relocation site sa Trece Martires, Cavite City, at sa halip ay ilaan na lang sa kanila ang lupang ilang dekada na nilang tinitirhan.

Noong Oktubre nakaraang taon, mahigit 380 pamilya na nakatira sa tabi ng estero sa komunidad ng Macda ang natupok ang tirahan dahil hinihilang sadyang panununog sa kanilang komunidad Marami sa mga nasunugan ay piniling manatili sa komundad at tumangging malipat sa pabahay ng gubyerno sa Cavite.

Ngayong umaga, higit sa 850 pamilya ang inaasahang mawalan ng bahay kung matutuloy ang planong demolisyon sa komunidad ng Macda. Istasyon ng pulis at bumbero umano ang planong itayo ng LGU sa lupang kinatitirikan ng bahay ng mga residente.

Hinamon ng mga residente si Bise-Presidente Jejomar Binay na ipatigil umano ang malawakang demolisyon ng mga maralitang komunidad na ipinatutupad ng administrasyong Aquino at pagtatapon sa mga maralita sa mga off-city relocation sites.

Ayon naman sa grupong Kadamay, taliwas sa layunin ng Informal Settler Fund, ang pondong nagkakahalaga ng P50B para sa mga in-city housing ng mga maralitang nakatira sa tabi ng mga waterways, mga off-city relocation sites umano ang ipinapatayo ng administrasyong Aquino na labis na kinamumuhian naman ng mga maralita.

Ayon kay Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay, pinagkakaperahan umano ng matatas na opisyales sa Malacanang ang pagtatayo ng mga off-city relocation sites para sa pabahay ng maralita. Kabilang umano dito si Executive Secretary Paquito Ochoa na bayaw ni Gerry Acuzar, ang may-ari ng New San Jose Builder's, Inc na siyang kumukopa sa mga kontratang ito sa pabahay ng gubyerno.

Hindi rin umano malayong kumita si Interior Secretary Mar Roxas, na siyang itinalaga ni Pangulong Aquino para manguna sa Oplan Likas, ang programa ng paglilipat sa mga maralitang pamilyang nakatira tabi ng waterways ng gubyerno.

Sa patuloy na paglilikas sa mga maralita patungo sa mga off-city relocation sites, malayung-malayo umano si Mar Roxas sa yapak ng dating kalihim ng Department of Interior and Local Government ni si Jesse Robredo, ayon sa Kadamay.

Noong 2011, nagsagawa ng pag-aaral ang DILG sa kalagayan ng mga maralitang nakatira sa off-city relocation sites at napag-alaman nilang hindi ito maka-maralita dahil napakalayo ng mga pabahay sa pinagmumulan ng trabaho at kabuhayan ng mga residente. Inerekomenda ng ahensya na in-city housing kundiman onsite housing ang dapat ipatayo ng gubyerno para sa mga maralita.

Ayon pa kay Arellano, ang nasabing pag-aaral ay isa sa mga naging batayan ng administrasyong Aquino sa paglalabas ng P50B pondo para sa in-city housing ng mga maralita.

Sa pagtatapos ng taong 2015, inaasahang makapagtayo ang National Housing Authority 92,257 unit partikular para sa mga pamilyang nakatira sa tabi ng waterways sa Metro Manila gamit ang ISF. Ngunit mahigit 80% ng mga pabahay na ito o 75,105 ang matatagpuan sa mga off-city relocation sites ng pamahalaan.

Aabot pa sa 11,963 pabahay ang kakailanganing itayo ng gubyerno sa taong 2016 para mabigyan ng pabahay ang aabot sa 104,219 pamilyang nakatira sa mga lugar na tinatawag ng gubyerno na mga 'danger areas.'
"Sa pagpupumilit ng administrasyong Aquino na ilikas ang mga maralita patungo sa mga off-city relocation sites, asahan umano nito ang malakas na paglaban ng mga maralita para ipagtanggol ang kanilang mga komunidad at tahanan," ani Arellano.##

No comments:

Post a Comment