Translate

Saturday, January 17, 2015

Ilang grupo ng overpass vendors sa QC, nag-ingay laban Zero Vending Policy sa panahon umano ng Papal visit sa bansa


Sa ikatlong araw ng pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas, naglunsad ng pag-iingay ngayong umaga gamit ang mga kalderong walang laman ang mga maliit na manininda mula sa mga overpass ng Commonwealth Avenue sa Quezon City bilang pagkondena sa Zero Vending Policy na ilang araw nang ipinapatupad dahil umano sa Papal visit. Kasabay ng proteta ang pagtataboy din sa mga manininda sa Luneta Park ngayong umaga kung saan magdiriwang ng misa ng Santo Papa bukas.

Halos kalahati sa higit 300 maninidang apektado ng No Vending Policyna ipinapatupad sa mga overpass ng Litex, Sandiganbayan at Don Antonio ay mga Muslim. Habang ang natitira ay mga Kristiyano.

Dala ng mga maralita sa kanilang protesta ang mga kaldero at platong walang laman na simbolo umano ng ilang araw nang kagutumang dinaranas ng kanilang pamilya. Nag-umpisa umano ang pagbabawal sa mga vendor na maglatag ng paninda sa mga overpass simula pa noong ikalawang linggo ng Enero.



Para sa mga mga overpass vendors, hindi na nila kayang manahimik sa ginagawang pang-aabuso ng gubyerno sa mga maralita gamit bilang dahilan ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa.

Ayon kay Diamond Kalaw, lider ng Sandiganbayan Vendors Association-Kadamay at tagapagsalit ng grupong Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-aabuso (Manlaban), "Bagama't iba ang aming relehiyon, kilala namin ang Santo Papa na maka-maralita. Alam naming taliwas ang mga ipinapatupad na patakaran ng gubyerno lalo na sa naging pahayag ng Papa sa mga opisyales ng pamahalaan na unawain at bigyang halaga ang interes ng nakararaming mahihirap na Pilipino."

Si Pope Francis ang masasabing pinakaprogresibong Santo Papa sa kasaysayan. Liban sa pagtuligsa nito sa kapitalismo at ang hindi pantay na distribusyon ng yaman bilang ugat ng malawak na kahirapan, nakilala ang Santo Papa sa paghuhugas at paghalik nito sa paa ng isang presong Muslim noong 2013.

"Kung batid lamang ng Papa ang ginagawang pagwasak ng gubyerno sa kabuhayan ng maralita para umano sa kanyang pagbisita, malinaw hindi magaganap ang anumang pagtataboy na ginagawa sa mga maninida sa mga overpass sa Commonwealth Avenue," ani Kalaw.

"Ilang araw nang walang makain ang aming pamilya at hindi kami makabili ng gamot para sa mga maysakit dahil wala kaming kita," ani Kalaw. Pero alam naming hindi ang Santo Papa at ang kanyang pagbisita sa bansa ang dapat naming sisihin, kundi ang mga abusado at kurakot na mga Katolikong opisyal ng pamahalaan na hindi marunong makinig sa itinuturo ng kanilang relihiyon.



Labis na nakakahiya na umano ang administrasyong Aquino sa paggamit nito sa kanyang pangalan at ng kanyang pagbisita sa bansa para lamang maipatupad ang mga anti-maralita nitong programa. Kabilang na dito ang No Sail Policy sa Manila Bay , at ng No Vending Policy sa Luneta Park kung saan gaganapin ang makasaysayang misa ng Santo Papa sa Linggo.

Kinondena rin ng mga manininda ang ginagawang detensyon ng gubyerno sa mga street children at ang pagtatakip sa mga maralitang komunidad sa mga lugar na madaraanan ng papa upang pagtakpan ang tunay na kalagayan ng mahihihrap sa bansa. Sa kasalukuyan ay nilalabanin din ng mga maliit na mininda sa Luneta Park ang pagtataboy sa kanila sa parke bilang paghahanda sa misa bukas ng Santo Papa. ###

No comments:

Post a Comment