Translate

Friday, February 6, 2015

Grupong Kadamay, kinondena ang kaliwa't kanang demolisyon sa QC




Ilang linggo matapos ang pagbisita ng Santo Papa sa bansa, tila nakalimutan na ng administrasyong Aquino, kasama ang mga lokal na pamahalaan at institusyon sa ilalim nito, na kailangain ang mga mahihirap sa bansa, ayon sa grupong Kadamay.

Ito ay matapos ang naganap na demolisyon kahapon sa tatlong magkahiwalay na komunidad ng maralitang lungsod sa QC, at ang marahas na demolisyon ngayong umaga sa Ilocandia Street, Barangay Commonwealth.

Bandang alas-11 ng umaga, sa kabila ng protesta ng mga residente ng Ilocandia Street, Barangay Commonwealth ipinatupad pa rin ng awtoridad ang pagpapalayas sa mga natitirang residente sa komunidad.

Kahapon, matapos ang buong araw na pagbabarikada ng mga residente, nagawa pa ring gibain ng mga demolition team ang aabot sa 20 kabahayan sa Ilocandia Street. Ipinatupad ng kapulisan at ng court sheriff ang isang court order na nagpapalayas sa mga residente pabor sa kay Samuel Del Rosario, isang private claimant na umano'y nagmamay-ari ng 1,600 square meter na lupain sa tabi ng Commonwealth Avenue.



Ayon kay Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay, matagal ng pinagkakainteresan ng mga matataas na opisyales ng QC LGU at malalaking negosyante ang nasabing lupain sapagkat isang highly-commercialized area ang planong gawin dito ng lungsod. Ayon sa Kadamay, isa ang Litex/National Government Center area sa 5 lugar na planong gawing sentro ng komersyo sa lungsod ng lokal na pamahalaan.

Samantala, nabigo naman kahapon ang mga blue guards ng University of the Philippines Diliman na itaboy ang 47 pamilya nakatira sa isang komunidad sa tabi ng C. P. Garcia matapos magbarikada ang mga residente.Napigilan din ng mga residente sa tabi ng Mother Ignacia Street sa South Triangle ang demolisyon ng kanilang komunidad matapos nilang harangan ang kalsada at makipagbatuhan sa awtoridad.

Ayon sa Kadamay, ang kaliwa't kanang demolisyon sa Quezon City ay bahagi ng plano ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Herbert Baustista na idevelop growth centers sa lungsod kabilang na ang QC-CBD (Knowledge Community District), Cubao Growth Center, NGC - Batasan Growth Center, Novaliches - Lagro Growth Area at Balintawak - Munoz Growth Center.



Matatagpuan umano ang mga komunidad ng maralita na kumakaharap sa demolisyon sa lungsod, kabilang na ang mga dumanas ng malalaking kaso ng panununog sa mga growth centers na nabanggit, dagdag pa ng grupo. Kinondena rin ng Kadamay ang zero-informal settler policy na matagal ng ipinapatupad ni Mayor Bautista.

Samantala, ani Badion, matagal nang inaasahan ng kanilang grupo na walang plano ang administrasyong Aquino na kilalanin ang karapatan ng mga maralitang lungsod na mahigpit na tagubilin ni Pope Francis sa kanyang naging pagbisita sa bansa noong Enero.

Tanging ang pagpapatalsik umano sa kasalulkyang gubyerno ang magtitiyak na makakamit ng maralitang lungsod ang katiyakan sa paninirahan at kabuhayan na matagal ng ipinagkakait ni Aquino sa mga maralita para sa interes ng malalaking lokal at dayuhang mamumuhunan, dagdag ng lider.

Gayunpaman, hinahamon pa rin ng grupong Kadamay ang mga Katoliko, lalo na ang mga taong simbahan, na samahan ang mga maralitang lungsod sa paglaban sa tumitinding atake sa sektor ng administrasyong Aquino.

Liban sa magkakasunod na kaso ng demolisyon ng mga maralitang komunidad, kinondena rin ng Kadamay ang nagpapatuloy na pagbabawal sa hindi bababa sa 500 maliliit vendor na magtinda sa mga overpass ng Commonwealth Avenue simula pa noong Enero 5.


No comments:

Post a Comment