Nagbabala ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa Department of Socal Welfare and Development at sa Malacanang na huwag nitong gamitin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps para pigilan o di kaya'y pagbawalan ang mga maralitang lungsod na benipisyaryo ng programa sa Metro Manila at karatig lalawigan na lumahok sa mga kilos-protesta na nanawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Aquino.
Sa mga darating na araw, kabilang na sa Pebrero 25, ika-29 na anibersaryo ng EDSA People Power, na isang buwan din matapos ang pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao, nakatakdang maglunsad ng malaking protesta sa EDSA Shrine ang iba't ibang grupo kabilang na ang mga maralitang lungsod para ipanawagan ang pagbibitiw ni Aquino.
Samantala, isang higanteng protesta ang inaasahang ilunsad sa paanan ng Mendiola sa Pebrero 27 sa pangungana ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan kasama ang Kadamay.
Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, habang puspusang ang kanilang isinasagawang preparasyon para sa malalaking protesta laban sa administrasyong Aquino, nakatanggap sila ng ulat na magsasagawa ng distribusyon ng financial assistance ang DSWD sa Pebrero 27 para sa benipisyaryo ng CCT partikular sa relocation site sa Rodriguez (Montalban), Rizal.
Isa ang mga pabahay sa Montalban, kung saan napakalala ng kahirapan sa hanay ng mga biktima ng demolisyon sa ilalim ng administarsyong Aquino, sa mga pagmumulan ng malaking bilang ng mga lalahok sa mga pagkilos laban sa administrasyon.
Ani Badion, nangangamba silang maaring hindi lamang sa Montalban gawin ng DSWD ang pagpapatawag sa mga CCT benepisyaryo sa araw ng Pebrero 25 at 27, at pagpipigil sa kanilang lumahok sa mga protesta.
Naging kalakaran na umano ng DSWD na tapatan ng mga CCT meeting ang malalaking protesta sa mga nakaraang pagkakataon, at ang lantarang paghihikayat sa mga benepisyaryo na huwag lumahok sa mga aktibidad na tumutuligsa sa rehimen. Ang pagliban pa umano sa mga meeting ng 4Ps ay nangangahulugan ng P500 kabawasan sa kada-buwang tulong-pinansyal.
Ang 4Ps o CCT ang pangunahing programa kontra-kahirapan ng rehimeng US-Aquino na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal na aabot sa P1,400 para
sa mga pinakamahihirap na Pilipino.
Ngunit naging batbat ng kontrobersya ang programang ito ng gubyerno kaugnay sa korapsyon at iba pang iregularidad sa pamimili ng benepisyaryo.
Ayon pa sa Kadamay, pangunahing instrumento rin ito gubyerno sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan para supilin ang paglaban ng mga mamamayan, lalo na ang mga pinakamahihirap.
Kabilang umano sa oryentasyon na isinasagawa ng DSWD sa mga CCT beneficiary ang hindi paglahok sa mga kilos-protesta na kumukondena sa gubyerno.
"Walang karapatan ang DSWD at ang Malacanang na pigilan ang mga mahihirap CCT beneficiary na lumahok sa mga protesta, lalo pa at nakikita ng maraming maralita na hindi natutugunan ng gubyerno ang lumalalang kahirapan sa bansa," pagwawakas ni Badion.
No comments:
Post a Comment