Translate

Friday, April 24, 2015

Grupong Kadamay, nanawagan sa mga maralita na magsindi ng kandila para kay Mary Jane Veloso



Nanawagan ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na magsindi ng kandila ang bawat maralitang lungsod sa buong bansa ngayong gabi upang ipakita ang suporta ng sektor kay Mary Jane Veloso.

Sa nakatakdang pagtatapos Bandung Conference sa Indonesia ngayong araw ng Biyernes, inaasahang isagawa na ng gubyerno ng Indonesia ang pagpatay sa kay Veloso sa pamamagitan ng firing squad.

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, nagpahayag na ng pakikiisa sa kanilang isasagawang koordinadong protesta ang iba't ibang grupo ng maralita sa Metro Manila.

Magtutuluy-tuloy pa umano sa mga darating ang mga protesta sa mga komunidad ng maralitang lungsod upang ipanawagan ang pagligtas sa buhay ni mary Jane, ani Badion.

Dagdag ni Badion, si Veloso at ang marami pang OFW na nakahanay sa death row at nakapiit sa labas ng bansa ay biktima ng malawak na kawalang trabaho at kahirapan sa bansa na pumalo sa pinakamataas na tantos sa ilalim ng rehimeng Aquino.

Liban sa kapabayaan ng gubyerno na tiyakin ang maagap at sapat na tulong-legal para kay Veloso, dapat umanong managot si Aquino sa pagsusulong nito ng Labor Export Policy na nagtataboy sa milyun-milyong Pilipinong walang trabaho palabas ng bansa.

Umabot na sa 6,092 ang bilang ng mga OFW na lumalabas ng bansa kada araw, mula sa 4,500 kada araw noong unang maupo si Aquino sa pwesto.

Ayon pa sa Kadamay, dapat tiyakin ng pamahalaan na mailigtas si Veloso sapagkat ang kanyang pagbitay ay maaring magsindi ng galit sa malawak na hanay ng maralita sa bansa, kabilang na ang 13 milyong Pilipinong walang trabaho sa bansa.

"Hindi malayong ang posibleng pagbitay kay Mary Jane ay maghuhudyat ng tuluyang pagbagsak ni Aquino at ng kanyang administrasyon," banta Badion.

Nanawagan din ang grupo na mapanagot liban kay Aquino ang mga opisyales ng Department of Foreign Affair at ang Embahada ng Pilipinas sa Indonesia na nagpabaya umano sa kanilang tungkulin kaugnay sa pagtiyak sa kaligtasan ni Veloso. ###

No comments:

Post a Comment