Translate

Wednesday, April 15, 2015

Legal fund para sa OFW gaya ni Mary Jane, hinol-DAP ni Aquino!--KADAMAY

Hindi umano malayong nadamay sa mga pondong kinulimbat ng administrasyong Aquino ang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakalaan dapat sa pagkuha ng mga abugado at pagbibigay ng serbsyo sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nahaharap sa iba't ibang kaso sa ibayong dagat gaya ni Mary Jane Veloso.

Ayon sa Kadamay, simula ng ipatupad ng admnistrasyong Aquino noong 2011 ang iligal na Disbursement Acceleration Program o DAP hanggang 2013, hindi bababa sa P6 bilong piso ang pondo ng DFA ang hindi nagastos at ikinategoryang savings ng gubyerno. Ang pondong ito umano ang iligal na sinamsam ni Aquino para ilaan sa iba't ibang programa nito at hindi malayong sa korapsyon lamang napunta." 

Kada-taon, P100 milyong halaga Legal Assistance Fund (LAF) ang dapat inilaan ng DFA para bigyang serbisyo ang mga OFW na nangangailangan ng mga legal na serbisyo. Ngunit sa kaso ni Mary Jane, walang abugadong naibigay ang Embahada ng Pilipinas sa Indonesia at ang DFA sa panahon ng kanyang paglilitis. Ngayong 2015 na lamang umano nakakuha ng abugado ang gubyerno kung kailan malapit ng bitayin si Veloso.

"Anim na buwan matapos siyang mahuli sa Indonesia, kaagad nahatulan ng kamatayan si Mary Jane. Wala ni anumang abugado tumulong sa kanyang depensa at hindi pa isang lisensyadong translator ang tumulong sa kanyang magpaliwanag," ani Carlito Badion, Kadamay national secretary-general.

Simula ng maluklok si Aquino noong 2010, binawasan pa nito ang legal fund para sa mga OFW, at sa taong 2011, aabot sa P52 milyon ang legal fund hindi nagamit ng DFA, panahon kung kailan umpisang ipinatupad ni Aquino ang DAP. Nakatipid umano ang DFA sa pagtatakda ng ‘ceiling’ o limit sa halaga na maaring ilaan ng ahensya sa bawat OFW na nangangailangan ng tulong.

“Kaparehas ng sinapit ni Mary Jane ang dinaranas ng aabot sa 7,000 OFW na kasalukuyang nakapiit sa Middle East—walang sapat at angkop na legal na serbisyong nakukuha mula sa gubyerno. Hindi kataka-takang sa ilalim ng administrasyong Aquino, 7 OFW ang nabitay dahil sa pagpapabaya at korapsyon ng administrasyong Aquino," ani Badion.

Ngunit dagdag ng lider, a umanong kasalanan ni Aquino sa mamamayang Pilipino sa loob at labas ng bansa ay ang pagpapanatili nito sa malawak na kawalang trabaho at mababang sahod alinsunod sa dikta ng mga dayuhang patakaran sa ekonomiya.

Sa taong 2014, mahigit 6,000 Pilipino ang lumalabas ng bansa kada-araw upang maghanap ng ikabubuhay para sa kanilang pamilya.

"Kung mananatili pa si Aquino ng isang taon bilang pangulo ng bansa, hindi lang si Mary Jane ang inaasahang magbuwis ng buhay dahil sa pagpapabaya, pagpapahirap at pagpapakatuta ni Aquino sa mga dayuhang patakaran," ani Badion.

Ngayong hapon ay naglunsad ang Kadamay ng mga koordinadong protesta sa mga komunidad ng marlaita sa Kamaynilaan upang ipanawagan ang pagpapawalang-sala kay Mary Jane, at sa iba pang OFW na nakapiit at nakahanay sa deathrow sa ibayong dagat. Panawagan din ng grupo ang agarang pagre-resign ni Aquino sa kanyang tungkulin.

No comments:

Post a Comment