Translate

Monday, October 5, 2015

Grupong Kadamay, maglulunsad ng protesta vs demolisyon, PPP at pamamaslang sa maralita sa World Habitat Day



Nakatakdang maglunsad ng protesta laban sa demolisyon at programang Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino ang ilang grupo ng maralitang lungsod mula sa mga piling syudad at komunidad sa Metro Manila at relokasyon sa Bulacan at Rizal ngayong World Habitat Day.

Pangungunahan ng grupong Kadamay ang mga nabanggit na protesta bilang pagkondena sa tumitinding atake ng adminstrasyong Aquino sa karapatan sa paninirahan ng mga maralitang lungsod sa pagpapatupad nito ng mga ‘proyektong pangkaunlaran’ sa ilalim ng programang PPP. 

Ayon sa Kadamay, aabot sa 1.4 milyong maralitang lungsod ang nahaharap sa demolisyon.

Kinondena rin ng grupo ang maraming kaso ng pamamaslang sa mga maralitang lumalaban sa demolisyon. 

Sa tala ng Kadamay, hindi bababa sa 16 maralita ang pinaslang sa pagtatanggol ng kanilang paninirahan at kabuhayan sa ilalim ng administrasyong Aquino. 

Pito sa mga ito ay pinaslang sa gitna ng mga barikada. Mismong tauhan ng gubyerno pa mismo umano ang nasa likod ng mga nasabing pamamaslang.

Ngayong World Habitat Day, panawagan ng Kadamay na matigil ang mga demolisyon at ang pamamaslang sa hanay ng mga maralitang lumalaban. 

Nanawagan naman sila sa kapwa maralita na labanan at biguin ang iba’t ibang proyekto sa ilalim ng programang PPP ni Aquino, at iba pang neoliberal na patakaran gaya ng pribatisasyon ng serbisyong paninirahan.

Sa Oktubre 2016 ay ilulunsad ang Third United Nations Conference on Housing and Sustainable Urban Development, o Habitat III, isang pandaigdigang pag-uusap upang resolbahin ang iba’t ibang isyung kinakaharap ng mga maralita kaugnay sa paninirahan. Isang bagong Habitat Agenda ang inaasahang mabuo sa nasabing pag-uusap.

Kaisa ang Kadamay sa Habitat International Coalition na maglulunsad ngayong araw ng koordinadong protesta at mga pagtitipon bilang paghahanada sa darating na Habitat III. 

Ang Kadamay ang nag-iisang grupo mula sa Pilipinas na nakalagda sa  Civil Society Statement on World Habitat Day Regarding Preparations for the Habitat III. 

Aabot sa 146 networks, civil society movements, unibersidad at mga indibidwal mula sa 35 bansa ang nakalagda sa nasabing pahayag.

Hangad ng HIC ang pagkakaroon ng international standards para isulong ang mga sumusunod: the right to the city, land, and territory; quality transportation for safe and inclusive urban mobility; environmentally-friendly usage and production of energy, at panghuli, a sense of community.

No comments:

Post a Comment