KADAMAY sa SONA 2009
Paglahok ng Maralitang-Lungsod sa Kilos-Protesta sa SONA
July 26,2009
For further details, please contact the Kadamay Public Information Department
Jon Vincent Marin 0910.975.7660 Radney Flores 0907.492.5184
Highlights:
* Sa kauna-unahang pagkakataon sa siyam na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo, isang effigy ang lalahok sa pagsusunog sa tradisyunal na effigy ng Pangulo na ihahanda ng BAYAN.
Ihahanda ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap ang effigy ng Maralitang Walang Hanapbuhay, isang pigurang naka-ambang pasulong at may hawak na sulo, na isa sa mga maglalapat ng apoy sa effigy ng Pangulo oras na susunugin na ito. (see further details in 'Program' section below)
Ito umano ang ”simbolo ng pinal na aksyon ng maralitang-lungsod” upang wakasan ang paghahari ni Gng. Arroyo.
* Sa umaga, sasalubungin ng mga lider-maralita ang mga magsasakang magmamartsa galing UP Diliman, at magkakaroon ng simbolikong salu-salo ng tuyo at kanin ang mga lider-maralita at magsasaka. Paglalarawan umano ito ng ibayong kahirapang dinaranas ng mga maralita, maging sa lunsod at kanayunan, sa ilalim ng mahabang panunungkulan ni Gng. Arroyo.
* Mula sa talumpating bibigkasin ni Leona ”Nanay Leleng” Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay, patungkol sa pakanang Cha-Cha ni Gng. Arroyo: ”Mag-ingat ka. Oras na ipagpatuloy mo pa ang paglapastangang iyan sa sambayanan, alalalahanin mong pinalilibutan ka ng tatlumpung milyong bulkan.” (see full speech below)
Kadamay sa SONA 2009
Tema: Martsa ng Walang Trabaho at Walang Hanapbuhay
Ang martsa ng mga maralitang-lungsod sa ilalim ng Kadamay ay tinatawag nitong "Martsa ng Walang Trabaho at Walang Hanapbuhay", bilang pagdidiin ng sektor sa kapalpakan ng 9-taong administrasyong Arroyo na lumikha ng sapat, nakabubuhay, at tiyak na trabaho para sa mamamayang Pilipino, at sa paglala pa ang kawalan at kakulangan sa trabaho (unemployment at underemployment) sa bansa.
Segundaryong bibitbitin ng mga maralita ang usapin ng mga bilihin at serbisyo sa mahabang panunungkulan ni Gng. Arroyo, at, siyempre, ang estado ng kagutuman at kahirapan sa bansa.
Relevant data:
Kawalan at Kakulangan sa Trabaho (Unemployment and Underemployment)
IBON Foundation: 11.2% ang "makatotohanang" unemployment rate, kaiba sa mababang tantya ng gubyerno (7.5% noong Abril 2009, ayon sa NSO); 4.2 M Pilipino ang walang trabaho.
6.6 M Pilipino naman ang kulang sa trabaho (underemployed), para sa kabuuang 10.8 M na wala o kulang sa trabaho sa bansa.
Apat sa bawat 10 trabaho ngayon ay mga "part-time jobs" lamang, o 14.3 M sa tinatayang 35 M labor force.
Sa inaangkin ng gubyernong 1.5 M trabahong nalikha noong nakaraang taon, 1.3 M dito ay mga trabahong wala o mababa ang kita, o walang katiyakan (non- or low-earning, or insecure jobs). 394,000 dito ay unpaid family work, 540,000 ay domestic household help, at 803,000 ay pumapatak sa kategorya ng "self-employed".
Itinala ng gubyernong Arroyo, mula 2001-2008, ang pinakamahabang panahon ng sustained high unemployment sa kasaysayan ng bansa. Sa halip na masawata ang disempleyo, gaya ng ipinangako ni Arroyo sa kanyang SONA noong 2001, tumaas pa ng 621,000 ang bilang ng mga walang trabaho at 1.9 M naman sa mga kulang sa trabaho, mula 2001-2008.
SWS: Tumaas sa rekord na 34.2% ng mga nasa edad ang walang trabaho sa bansa, o tinatayang 14 M Pilipino, ayon sa kanilang First Quarter 2009 Social Weather Survey (Pebrero 20-23).
Hanggang Marso 2004, mababa sa 15% ang kawalan ng trabaho sa bansa; umangat ito sa 16.5% hanggang 19% noong Agosto 2004 hanggang Marso 2005, hanggang palagian na itong mataas sa 20% mula Mayo 2005, maliban sa 17.5% na naitala noong Disyembre 2007.
Bilihin at Serbisyo
BAYAN: Presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, noong 2001 at kasalukuyan:
Bigas (regular-milled, kada kilo)
2001: P17.51
Hulyo 2009: P30
Tubig (basic charge, kada cubic meter)
2001: Manila Water: P2.95
Maynilad: P6.58
4th quarter 2008: Manila Water: P19.64
Maynilad: P23.05
Kuryente (Meralco, kada kWh)
2001: P5.13
Mayo 2009: P8.80
LPG (kada 11-kg tangke)
2001: P192
Hunyo 2009: 440
Diesel (kada litro)
2001: P12.62
Hunyo 2009: P33.29
IBON: Inilaan ng administrasyong Arroyo, mula 2001-2009, ang 15.1% lamang ng pambansang badyet sa edukasyon, na mas mababa pa sa inilaan ni Estrada (18%, '99-'00) at ni Ramos (16.6%, '92-'98).
Lumaki pa ang bilang ng mga kabataang hindi nakakapag-aral (out-of-school children and youth) ng 2.69 M, mula 2001 hanggang 2009, para sa kabuuang 4.69 M. Sa 2.69 M, 1.62 M ay mga kabataang edad 7-12 at 822,097 ay nasa edad 13-16.
Sa serbisyong pangkalusugan, inilaan lamang ng gubyernong Arroyo ang 1.8% ng pambansang badyet, na mas maliit sa inilaan nina Estrada (2.4%), Ramos (2.5%), at Aquino (3.1%).
Sa pabahay, inilaan lamang nito ang 0.4%, na mas maliit din sa inilaan ng tatlong naunang pangulo (1%, 0.7%, at 0.5% ng administrasyong Estrada, Ramos, at Aquino, ayon sa pagkakasunod).
Ngayong taon, naglalaan lamang ang gubyernong Arroyo ng P6 kada Pilipino kada araw sa edukasyon, P1 sa kalusugan at 12 sentimo sa pabahay - kumpara sa P21 sa pambayad-utang.
Tumaas din ng 280% ang importasyon ng bigas, mula 639,000 tonelada noong 2001 tungo sa rekord na 2.4 M tonelada noong 2008, taliwas sa pangakong "rice self-sufficiency" ni Arroyo noong kanyang unang SONA.
Kagutuman at Kabuuang Kahirapan
SWS: Sa isang positibong balita na maaaring gamitin ni Arroyo sa kanyang papalapit na SONA, itinala sa First Quarter 2009 Social Weather Survey ng SWS ang pagbaba ng Self-Rated Poverty sa 47% at Kagutuman (Hunger) sa 15.5% ng mga pamilyang Pilipino.
Ngunit kung susuriin ang datos, kataka-takang bumaba lamang nang malaki ang SRP sa Mindanao, kung saan bumaba ito ng 14 puntos mula 59% tungo 45% Sa Kalakhang Maynila, Luzon at Visayas, bumaba lamang ito nang bahagya o hindi nagbago.
Hindi tuloy maisasantabi ang hinala ng ilan na epekto lamang ito ng mga "calibrated" o sadyang itinarget na mga feeding program at dole-out mechanism sa Mindanao, na pawang pansamantala at di-sustenableng mga programa para sa tunay na pagpawi ng kahirapan at kagutuman.
Kung titignan din naman ang estadistika ng SWS sa matagalang tanaw, mula 2001 hanggang 2008, walang masasabing malinaw na trend mula bawat kwarto ng taon na bumababa nga ang SRP. Nagsimula ito sa 59% noong Marso 2001 at pumalo sa pinakamataas na 66% sa ilang mga kwarto noong 2001 at 2002; bumaba ang yearly average noong 2004, umakyat muli noong 2005 at 2006, bumaba noong 2007 at umakyat muli noong 2008. Sa 32 kwartong ito nag-average ang SRP ng 55.7%. Naabot na rin dati ang 47% noong Hunyo 2007, at ang pinakamababang 46% noong Disyembre 2007.
Naririyan pa ang "paghihigpit ng sinturon" o belt-tightening na ginagawa ng mga maralita, gaya ng laging inilalahad ng SWS; nangangahulugan ito ng patuloy na pagbaba ng pamantayan sa kahirapan. Ayon sa SWS, itinuturing pa rin ngayon ng mga pamilyang taga-Metro Manila na kailangan nila ng P10,000 kada buwan upang hindi ituring ang sarili na mahirap, na siya ring pamantayan nila noon pang taong 2000 kahit umakyat na ng 55% ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Anu't anuman, ang pigurang 47% ay higit pa ring malaki sa ihinahayag ng gubyernong 27.6% na antas ng kahirapan sa bansa.
IBON: Ayon mismo sa datos ng gubyerno at gamit ang mababang poverty line, 530,642 pamilya ang nadagdag sa bilang ng mga mahihirap sa pagitan ng 2000 at 2006, na katumbas ng 2.1 M Pilipino.
Sa sariling self-rated poverty survey ng IBON noong Enero 2008, 71.7% ng mga Pilipino ang itinuring ang sarili na mahirap.
Tinataya rin ng IBON na 30 M ang bilang ng mga maralitang-lungsod sa bansa.
Urban Development Projects: Kaunlaran nga Ba?
Sa kritika ng IBON Foundation sa Charter Change, tinuligsa nito ang pagkapit ng gubyernong Arroyo sa "obsolete globalization ideology" na siyang batayan ng mga panukalang pagbabago sa mga economic provisions ng Saligang Batas. Ngunit bago pa man ang Cha-Cha, matagal nang nakakapit at ibinebenta ni Gng Arroyo ang "bangkaroteng" kaisipang ito, sa anyo ng mga proyektong imprastruktura sa kalunsuran na nakatuon sa pag-engganyo ng dayuhang kapital, bilang pinakamahalagang salik umano para sa kaunlaran.
Ilan sa mga "Urban Development Projects" ni Arroyo at Bilang ng mga Maralitang Pamilyang Nawalan/Mawawalan ng Tirahan Bunsod Nito (Kadamay):
South Manila Commuter Rail Project (SouthRail): 155,000
Manila-Clark Rapid Railway System Project: 42,580
C-5 Northern Link Project: 40,000
Quezon City Central Business District: 24,500
Port Modernization Program: 100,000
TOTAL: 362,080
Sa limang proyekto pa lamang na ito, kulang na kulang na ang kabuuang housing production ng gubyernong Arroyo sa loob ng anim na taon (87,962 units mula 2001-2006, ayon sa HUDCC).
Samakatwid, malinaw ang polisiya ng administrasyon na, una, isantabi ang kapakanan ng mga maralitang apektado ng kanyang mga "proyektong pangkaunlaran"; at, ikalawa, isakpripisyo ang mga ito alang-alang sa isang huwad na balangkas ng kaunlaran, na ang pawang makikinabang lamang ay mga malalaking negosyo, mga dayuhan, at mga nasa kapangyarihan.
PROGRAMA
Sa umaga (bandang 6:00 AM), sasalubungin ng paunang grupo ng Kadamay ang mga nagmamartsang magsasaka galing UP Diliman, upang magkaroon ng simbolikong salu-salo ang mga lider-maralita at magsasaka sa harap ng St. Peter Parish. Pagsasaluhan nila ang karampot na tuyo at kanin, bilang paglalarawan sa ibayong kahirapang dinaranas ng maralita sa maging sa lunsod at kanayunan, sa ilalim ng mahabang panunungkulan ni Gng. Arroyo.
Bandang 9:30 ng umaga ay magsisimulang magtipon ang pangunahing bulto ng Kadamay sa Litex Market, Commonwealth Avenue. Dito rin ilalabas ang effigy ng Maralitang Walang Hanapbuhay, isang pigurang naka-ambang pasulong at may hawak na sulo, na dito rin sisindihan. Ang effigy na ito ay itutulak ng mga maralita sa pangunahing programa ng SONA papalapit sa effigy ng Pangulong Arroyo, at ang sulong hawak nito ay magiging isa sa mga magsusunog sa effigy ng Pangulo.
Ito ang simbolo ng pinal na aksyon ng maralitang-lungsod upang wakasan ang paghahari ni Gng. Arroyo, siyam na taon ng kawalan ng trabaho at hanapbuhay, pagsirit ng mga bilihin at kawalan ng serbisyo, panloloko sa taumbayan, at lalong pagkakabaon ng maralita sa kahirapan.
Sa hudyat ng iba pang mga kaalyadong grupo mula sa timog ng Commonwealth, magmamartsa ang Litex contingent upang tagpuin ang mga kasamahan sa may St. Peter Parish.
Sa pangunahing programa, isa sa mga tagapagsalita si Leona "Nanay Leleng" Zarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay.
Narito ang kanyang bibigkasing 2-minutong talumpati:
Sino ang mga maralitang lungsod?
Kami ang tatlumpung milyon o isang-katlo ng populasyon ng ating bansa. Tatlumpung milyon na lumiligid, naninirahan, nakasiksik sa mga nakalimutan nang sulok ng inyong mga kalunsuran. Tatlumpung milyon na nabubuhay sa laylayan ng lipunan.
Tatlumpung milyon, na sa nakaraang siyam na taon ay lalo pang ibinaon sa lusak ng kahirapan.
Bahagi kami ng halos labing-isang milyon na wala o kulang sa trabaho sa ating bansa.
Bahagi kami, ng ilang milyong pumapasok sa anumang pagkakakitaan para mabuhay, ngunit binibilang pa rin ng gubyerno na may trabaho, para mapagtakpan ang kanyang kapalpakan.
Bahagi kami ng patuloy na nililinlang, sa pangakong isang milyong trabaho kada taon, 'yun pala'y, ang tatlong-buwan kong pagwawalis sa kalsada, o ang pamamasukan ko bilang katulong, o ang sariling-kusa kong pagtataho o pagbabalot, 'yun na pala ang trabahong kanilang tinutukoy.
Kami ang mga nililinlang sa samu't saring mga pakulo,
emergency employment,
job fair,
dole-out,
feeding program,
family access card,
samantalang walang sapat na inilalaan sa tunay naming mga kailangan:
serbisyong pangkalusugan,
edukasyon,
pabahay.
At ngayon, isinusulong ang Charter Change para makapanatili pa sila sa kapangyarihan.
Ang masasabi ko lang, Gng. Arroyo -
Tatlumpung milyong pares ng mga mata ang sayo ngayo'y nagmamasid at nagbabantay.
Saan ka man magtago, sa Malacanang man o sa mga kampo ng militar, o kahit sa kanlungan pa ng iyong among US-
naririyan kami sa bawat kantong iyong lilikuan,
sa bawat lansangan na iyong babagtasin,
sa bawat pasilyo at lagusan na iyong lalakaran.
Hindi mo kami matatakasan.
Tatlumpung milyong pares din ng kamay ang nanginginig na ika'y panagutin sa iyong mga pagkukulang at kasalanan.
Kaya't ang aking pahatid, Gng. Arroyo,
Mag-ingat ka. Oras na ipagpatuloy mo pa ang paglapastangang iyan sa sambayanan,
Alalalahanin mong pinalilibutan ka ng tatlumpung milyong bulkan. ##
No comments:
Post a Comment