Patuloy na ‘kriminal na kapabayaan’ sa mga mahihirap, ‘pagpapatahimik’ sa mga ULTRA evacuees, kinundena
NEWS RELEASE
October 26, 2009
Bilang tugon sa napabalitang ‘hoarding’ diumano ng mga relief goods sa mga bodega ng DSWD, nagsagawa ng protesta ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa pambansang tanggapan ng ahensya upang idiin na “nagbabantay” ang grupo sa mga aksyon at kilos nito, at kundenahin ang anila’y “patuloy na kriminal na kapabayaan” ng gubyerno sa kapakanan ng mga maralitang-lungsod, lalo sa panahon ng pagbangon ng mga ito mula sa matinding trahendya.
“Maaaring itinanggi ng DSWD ang mga alegasyon ng ‘hoarding’ na lumitaw kamakailan, ngunit hindi maikakaila na kaliwa’t kanan pa rin ang mga palatandaan ng kriminal na kapabayaan ng gubyerno sa kapakanan naming mga mahihirap,” ani Carlito Badion, national education officer ng grupo.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ng ahensya na kulang lamang diumano sa volunteers kaya hindi maihatid sa mga nasalanta ang nagtatambak na relief goods sa kanilang mga bodega, pagkat hawak ng gubyerno ang lahat ng rekurso at kapangyarihan upang mabilis na ipamahagi ang mga ito kung nanaisin.
Partikular ding diniinan ng grupo ang mga kaganapan sa ULTRA noong nagprotesta ito doon nakaraang Biyernes (Oktubre 23), para ipanawagan ang tiyak at disenteng pabahay para sa nalalabing evacuees at kundenahin ang daing na ‘pagmamaltrato’ ng mga ito sa kamay ng DSWD at Pasig City government.
Matapos harangin ang isang grupo ng mga evacuees na lalahok sana sa protesta, unti-unting isinakay sa mga trak at inilikas ang mga nalalabing evacuees palabas sa ULTRA at tungo sa kapitolyo ng Pasig, habang nananawagan ang Kadamay ng negosasyon para sa tiyak na malilipatan ng mga ito. Makalipas ang higit isang oras na protesta, tumangging harapin ng mga tagapangasiwa ng ULTRA ang grupo hanggang sa napilitan itong umalis.
Ayon sa pakikipag-ugnayan ng grupo sa ilang mga evacuees na dinala sa kapitolyo, pinupwersa na ang mga ito na tanggapin ang perang alok ng gubyerno para sa ‘balik-bahay’ o ‘balik-probinsya’, sa kabila ng kanilang giit na malaanan ng relokasyon, o mapaalis na lamang mula sa kapitolyo.
Inaalam pa ng grupo kung nanatili pa hanggang ngayon ang mga evacuees sa kapitolyo ng Pasig, subalit malinaw na umanong “panggigipit” ito sa mga maralitang nasalanta upang tanggapin ang di-makatarungan at salat na salat na mga ‘serbisyo’ ng gubyerno, at ito ay sa kabila ng malaking pondo at tulong na dumadagsa dito mula sa ibayong-dagat at mga pribadong donor na para dapat sa kapakanan ng mga nasalanta.
“Ang kaso ng mga evacuees ng ULTRA, katambal ang mga alegasyon ng ‘hoarding’ at iba’t iba pang mga kaso na lumilitaw mula mismo sa mga maralitang-lungsod, ay naghahatid sa atin sa malinaw na konklusyon: anuman ang sabihin ng gubyerno, hindi maikakaila ang patuloy na kriminal na kapabayaan nito sa mga mahihirap, na noon pa man ay isa nang realidad magpahanggang-ngayon na sariwa pa ang mga sugat na hatid ng nakaraang trahedya,” ani Badion. ##
For further detals, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660
No comments:
Post a Comment