Translate

Wednesday, October 14, 2009

Libreng pabahay sa mga nasalanta ng bagyo, ipapanawagan sa HUDCC

NGAYON, Oktubre 14, 10 AM
HUDCC Main Office, Paseo de Roxas, Makati
Please contact: Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay
0910.975.7660

UPDATE: Matapos nito, sasanib ang grupo sa kalapit na protesta ng Bayan at Kalikasan - People's Network for the Environment kaugnay sa kontrobersyal na San Roque Dam.

Sa unang kilos-protesta ng mamamayan mula nang paghagupit ng mga bagyong Ondoy at Pepeng sa bansa, susugod ang mga kasapi ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa tanggapan ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa Makati upang ipanawagan ang anila'y "walang kundisyones at walang pag-aagam-agam" na libreng pabahay para sa mga maralitang nasalanta at nawalan ng tirahan.

"Bakit libre? Dahil ito ang nararapat," ani Nanay Leleng Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay.

"Libu-libo ang mga nawalan ng tirahan o inilikas mula sa mga kung tawagin ay 'danger zone', mga tabing estero, floodway, waterway, at iba pa. Kaya nga sila nakatira doon ay dahil sa matinding kahirapan. Aasahan pa ba ng gubyerno na ipaloob ang mga ito sa mga Pag-Ibig na 'yan, CMP [Community Mortgage Program], o kung ano pa mang iskema ng negosyong pabahay? Ni pagkain nga sa araw-araw ay hirap na, wala din namang maaasahan na sapat at nakabubuhay na trabaho."

Batay sa mga huling ulat, ayon kay DSWD Secretary Esperanza Cabral, may 45,000 pamilya pa rin ang nasa mga evacuation center samantalang may 116,000 pamilya pa sa labas nito na nawalan din ng tahanan at nangangailangan ng agarang tulong, buhat nang nanalasa si 'Ondoy' sa Metro Manila at sa mga karatig-probinsya.

May 16,000 pamilya naman sa mga evacuation center at 31,000 pamilya pa sa labas ng mga ito sa mga lugar na dinaanan ni 'Pepeng', pangunahin sa Northern Luzon.

Lugar ng paglilipatan
Binakbakan din ng grupo ang linya ni HUDCC Chair at Vice President Noli de Castro at iba pa na i-relocate ang mga maralitang inilikas sa mga lugar na anila'y masahol pa sa mga 'danger zone'.

"Alam natin ang sitwasyon ngayon sa Montalban, halos magka-'food riot' na ang mga tao sa mga evacuation center. Mga relocatees na rin ang mga ito, pero tignan ninyo ang nangyari," ani Nanay Leleng. "Grabe pa rin ang sinapit nila sa baha, dagdag pa sa kawalan ng sapat na kabuhayan doon. Doon balak ilipat ni VP Noli ang mga nasalanta sa Metro Manila.

"Yung binabanggit naman niyang San Miguel, Bulacan, raw lands pa lang ang mga ito. Paano mabubuhay ang mga maralita doon? Pati na 'yang mga Towerville [Bulacan], Southville [Laguna] ... notoryus na ang mga lugar na 'yan kung saan dumanas pa ng mas matinding hirap ang mga nailipat kaysa sa mga lugar na iniwan nila."

Anila, kailangang maghanap ng gubyerno ng mapaglilipatang mga lugar kung saan may tiyak na kabuhayan, at mapaglalaanan ng sapat na mga serbisyo.

Pondo
Sa usapin naman ng pagkukunan ng pondo para sa libreng pabahay, maraming paraan kung gugustuhin umano ng gubyerno, ayon sa grupo.

"Kunin nila sa pork barrel ng mga kongresita. Sa Presidential Discretionary Fund ni Gloria. Sa isinusulong ngayon sa P12-B 'calamity fund'. Sa pondo ng mga kinatawin namin sa Anakpawis at iba pang progresibong congressman na matagal na nilang iniipit. Lagpas 1 trilyon ang pambansang badyet na pinag-aaralan ngayon, huwag nilang sabihing imposible," ani Nanay Leleng.

Sa huli, ayon sa grupo, tuluyan lamang mareresolba ang problemang ito kung makapaglalatag din ang gubyerno ng programang lilikha sa tiyak at nakabubuhay na trabaho para sa mga maralita.

"Lalong nagiging wasto sa panahong ito ang paglalaan ng libreng pabahay sa kalagayang walang naaasahang trabaho ang karamihan sa mga maralita," ani Nanay Leleng. "Huwag na nating hayaang paulit-ulit tayong turuan ng leksyon ng mga trahedyang ito para simulang pag-isipan nang malalim ang problema ng kahirapan at ipatupad ang mga tunay na solusyon." ##

4 comments:

  1. gud eve po ako po ay humihingi ng tulong... na sana po magkaroon kami ng libreng pabahay kasi wala na po kami bahay nasira ng bagyong yolanda...kami ng family q nakikitira na lang po...saka my sakit din mother ko...wala na rin po kmi father patay na po...kaya nahihirapan po kami...godbless po...

    ReplyDelete
  2. gud eve po ako po ay humihingi ng tulong... na sana po magkaroon kami ng libreng pabahay kasi wala na po kami bahay nasira ng bagyong yolanda...kami ng family q nakikitira na lang po...saka my sakit din mother ko...wala na rin po kmi father patay na po...kaya nahihirapan po kami...godbless po...c maila sible po ito

    ReplyDelete
  3. gud eve po ako po ay humihingi ng tulong... na sana po magkaroon kami ng libreng pabahay kasi wala na po kami bahay nasira ng bagyong yolanda...kami ng family q nakikitira na lang po...saka my sakit din mother ko...wala na rin po kmi father patay na po...kaya nahihirapan po kami...galing po kami sa leyte...mahirap po doon kasi hind makapag injection ang nanay ko ng insulin kasi diabetic po siya ska my iba pang sakit nanay ko... kya minarapat namin pumunta ng maynila nagbakasakaling may tumulong sa amin po...sana po matulungan po kami ...c maila sible po ito.kong gusto niyo po kami tulungan makocontact po aq sa fb account ko na maila sible po ..thanks....godbless po...

    ReplyDelete