Translate

Wednesday, October 28, 2009

Martsa ng maralita tungo Mendiola, itinakda bukas

Pagkundena sa ‘kriminal na kapabayaan’ ng gubyernong Arroyo sa mga mahihirap, ayon sa grupo

NEWS RELEASE [FULL ADVISORY TO FOLLOW]
Oktubre 28, 2009

Bilang pagkundena sa anila’y ‘kriminal na kapabayaan’ ng gubyernong Arroyo na tumingkad sa trahedyang hatid ng nakaraang mga kalamidad, itinakda ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), pambansang alyansa ng mga maralitang-lungsod, ang protesta ng maralita bukas sa Mendiola.

Ayon sa grupo, ito ay pagtindig para sa lahat ng mga maralitang nasawi, nawalan ng mga mahal sa buhay, kabuhayan at tirahan, dahil sa kapabayaan ng gubyerno at kawalang-kakayanan nitong tugunan ang mga agarang pangangailangan, maging ang para sa ganap na ikababangon ng buhay ng mga nasalanta.

“Simula sa paghahanda, hanggang sa rescue operation, hanggang sa evacuation at relief, hanggang sa rehabilitasyon ng mga nasalanta, lumitaw ang pagka-inutil, kawalang-bahala, at kawalang-malasakit ng gubyernong ito sa mga mahihirap,” ani Leona “Nanay Leleng” Zarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay. “Bagamat hindi na maibabalik ang mga nawalang buhay at nangyari na ang matinding pinsala, ang magagawa pa natin ay singilin at panagutin ang mga responsable dito, at itulak ang gubyerno sa mga makabuluhang hakbang para tuluyang ibangon ang buhay ng mga maralitang nasalanta.”

Aniya, kailangang magpaliwanag at managot ang mga matataas na opisyales ng pamahalaan na may direktang saklaw sa relief at rehabilitation ng mga nasalanta, kabilang na ang Pangulong Arroyo, Bise-Presidente at HUDCC Chair Noli De Castro, NDCC Chair Gilbert Teodoro, DSWD Sec. Esperanza Cabral, MMDA Chair Bayani Fernando, at ilang pinuno ng lokal na pamahalaan gaya ni Pasig Mayor Bobby Eusebio, sa mga kakulangan, kapabayaan, at mismong pang-aabuso sa mga maralitang biktima ng trahedya, at idiin sa mga ito ang mga dapat gawin upang makabuluhang tugunan ang mga pangangailangan ng huli.

“Ito lamang ang kanilang dapat pagtulung-tulungan: libre, tiyak at disenteng tirahan sa mga nawalan ng tahanan, maging sa mga maralitang naninirahan sa mga tinaguriang ‘danger zones’, at huwag silang itapon pabalik sa probinsya o sa mga mala-impiyerno at malalayong relocation sites. Magpatupad ng programang makapaglalaan ng tiyak at nakabubuhay na trabaho para sa nakararami, at higit na palawakin ang naaabot ng mga serbisyong panlipunan gaya ng libreng serbisyong pangkalusugan at edukasyon,” ani Nanay Leleng.

“Kung may aral man tayong mapupulot sa trahedyang ito, ito ay ang mas pumapatay sa tao ay hindi ang matinding bagyo at pagbaha, kundi ang labis-labis na kahirapan. Kung hindi matututo dito ang gubyerno at hindi aaksyon para tuluyang iangat ang kalagayan ng mga mahihirap, mauulit at mauulit lamang ang trahedyang ito… hindi natin mapipigilan ang bagyo, pero pwede nating solusyunan ang kahirapan at nang sa gayon ay wala nang labis na mapipinsala,” aniya.

Magtitipon bukas nang alas-9 n.u. (UPDATE: alas-10 n.u.) ang mga kasapi ng grupo, kasama ang Anakpawis Partylist at Kilusang Mayo Uno, sa may simbahan ng Bustillos at mula doon ay magmamartsa tungo Mendiola. ##

Details to follow. Thanks. -- Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment