Translate

Wednesday, October 7, 2009

Sa pag-alis ni 'Pepeng', isang pagkakataon upang itama ang mga pagkakasala ng gubyerno sa maralitang-lungsod

Libre at disenteng tirahan, kabuhayan at serbisyo, panawagan para sa mga inilikas at nawalan ng tahanan

Ayon kay NDCC Chair Gilbert Teodoro, hindi na umano pababalikin sa dati nilang tirahan ang mga inilikas na maralitang-lungsod, mula sa mga tinaguriang 'danger zones' gaya ng mga riverbank, estero at waterway.

Tinatanggap namin sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang balitang ito nang may pagkabalisa. Bagamat wasto lamang na sagipin ang libu-libong mga maralita mula sa palagiang bingit ng peligro, ang malaking kwestyon ay kung may mailalaan nga ba ang gubyerno ng higit na maayos na pamumuhay sa paglilipatan nito sa kanila.

Dahilan sa aming pangamba ay ang mismong track record ng administrasyong Arroyo sa bagay na ito. Sa malaking kalakhan ng mga nakaraang kaso ng relokasyon, lagi't laging nauuwi sa mas masahol pang kalagayan ang mga maralitang-lungsod na naililipat. Isa na sa mga kilalang relocation sites ay matatagpuan sa Montalban, Rizal, na isa ngayon sa mga pinakanasalantang lugar sa paghagupit ng bagyong 'Ondoy'.

Ang kasalukuyang programang pabahay ng gubyerno ay isang negosyo, kung saan pinipiga ang mga maralitang isinasailalim dito kahit malinaw na wala silang kakayanang magbayad. Wala ring kaakibat na kabuhayan at sapat na serbisyo sa mga relocation sites, kaya't lalong nababaon sa kahirapan ang diumano'y mga 'benepisyaryo' ng relokasyon.

Habang bumabangon ang bansa sa kambal na trahedya ng dalawang bagyong nagdaan, ito rin ay pagkakataon upang itama ang ilang dekada-nang pagkukulang at pagkakasala ng gubyerno sa mga maralitang-lungsod. Ang kriminal na kapabayaan ng mga gubyerno, kabilang ang kasalukuyang administrasyon, ang siyang naglagak sa mga mahihirap sa pananahan sa mga 'danger zones' at nagtapon sa kanila sa mga masasahol na relocation sites; ito ang katotohanang 'di dapat kaligtaan ninuman, at marapat na kilalanin at harapin na ngayon ng gubyerno.

Ang hamon kina Sec. Teodoro at kaninumang naghahangad na pamunuan ang bansa sa darating na halalan: patunayan ang kanilang kakayanang tumanaw nang malayuan sa pagsosolusyon sa problemang ito. Tiyakin ang libre at disenteng pabahay sa mga maralitang inilikas, at gayundin sa iba pang nawalan ng tirahan sa nakaraang delubyo. Tiyakin din ang kanilang kabuhayan at ang sapat na serbisyong panlipunan sa kanilang paglilipatan. Ang trahedya ay 'di lamang nagtatapos sa pag-impis ng tubig-baha, kundi sa pagreresolba sa pang-araw-araw na trahedya ng kahirapan, kagutuman, at kawalan ng tiyak na paninirahan na matagal nang pasan ng milyun-milyong mga maralita.##

Jon Vincent MarinPIO, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)0910.975.7660

No comments:

Post a Comment