Translate

Thursday, October 29, 2009

‘Trabaho, Kabuhayan, Hustisyang Panlipunan!’


Solusyunan ang kahirapan na nasa likod ng matinding pagkawala ng buhay at pinsala sa kalamidad

Ang mga malalakas na bagyo ay hindi mapipigilan, subalit ang kahirapan na nasa likod ng matinding pagkawala ng buhay at pinsala sa mga kalamidad ay maaaring solusyunan.

Ito ang sentral na panawagan sa ginanap ngayong martsa ng maralitang-lungsod sa Mendiola, sa pamumuno ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kabilang ang paniningil sa gubyernong Arroyo sa ‘kriminal na kapabayaan’ nito sa mga maralita.

‘Trabaho, Kabuhayan, Hustisyang Panlipunan’ ang sigaw ng grupo sa naturang protesta, bilang pangkalahatang panawagan umano sa pamahalaan para sa mga nasalanta at lahat ng maralita sa kabuuan. Sa kagyat, ito ay binubuo ng:

• Libre, tiyak at disenteng tirahan sa mga nawalan ng tahanan, maging sa mga maralitang naninirahan sa mga tinaguriang ‘danger zones’, at huwag silang itapon pabalik sa probinsya o sa mga mala-impiyerno at malalayong relocation sites;

• Pagpapatupad ng programang makapaglalaan ng tiyak at nakabubuhay na trabaho sa mga ito, at higit na pagpapalawak sa naaabot ng mga serbisyong panlipunan gaya ng libreng serbisyong pangkalusugan at edukasyon;

• Pagpapaliwanag at pagpapanagot sa mga matataas na opisyales ng pamahalaan na may direktang saklaw sa relief at rehabilitation ng mga nasalanta, kabilang na ang Pangulong Arroyo, Bise-Presidente at HUDCC Chair Noli De Castro, NDCC Chair Gilbert Teodoro, DSWD Sec. Esperanza Cabral, MMDA Chair Bayani Fernando, at ilang pinuno ng lokal na pamahalaan gaya ni Pasig Mayor Bobby Eusebio (kaugnay sa ULTRA evacuees), sa mga kakulangan, kapabayaan, at mismong pang-aabuso sa mga maralitang biktima ng trahedya.

Bilang simbolo ng huli, naghatid ang mga nagprotesta ng anila’y mga ‘alaala ng baha’, mga piraso ng napinsalang tirahan, kabuhayan, at kagamitan, at inilatag ito sa paanan ng Mendiola. Nagtirik din sila ng mga kandila sa alaala ng mga nasawi.

Nagsalita rin ang mismong mga maralitang biktima ng kalamidad, mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, upang ilahad ang kanilang mga personal na karanasan sa trahedya.

“Simula sa paghahanda, hanggang sa rescue operation, hanggang sa evacuation at relief, hanggang sa rehabilitasyon ng mga nasalanta, lumitaw ang pagka-inutil, kawalang-bahala, at kawalang-malasakit ng gubyernong ito sa mga mahihirap,” ani Leona “Nanay Leleng” Zarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay. “Bagamat hindi na maibabalik ang mga nawalang buhay at nangyari na ang matinding pinsala, ang magagawa pa natin ay singilin at panagutin ang mga responsable dito, at igiit sa gubyerno ang mga makabuluhang hakbang para sa tuluyang pagbangon ng mga nasalanta, at sa pagsosolusyon ng kahirapan sa kabuuan.”

Kalahok din sa protesta ang mga kasapi ng Anakpawis Partylist at Kilusang Mayo Uno (KMU). ##



For further detals, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment