Translate

Wednesday, February 10, 2010

NCR-wide ‘Karaban ng Anakpawis’, ilulunsad

Panawagan sa mamamayan: Organisahin ang sarili para sa tunay na pagbabago

NEWS RELEASE
February 10, 2010

Sa pangunguna ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ilulunsad ngayon ang 'Karaban ng Anakpawis para sa Kabuhayan at Hustisyang Panlipunan', na susuyod sa buong Metro Manila partikular sa mga komunidad ng maralitang-lungsod.


Ayon kay Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay, layunin ng Karaban na "pasiklabin" ang pagkilos ng mga maralita tungo sa pagtutulak ng kanilang mga kahilingan at panawagan para sa magiging mga bagong lider ng bansa, at ilapit -- at kasabay nito, paunlarin -- ang maka-mamamayang agenda ng Anakpawis Partylist at ng dalawang kandidato ng Makabayan Coalition para Senedor, sina Satur Ocampo at Liza Maza.

"Kaiba sa pangangampanya ng karamihang kandidato na ang habol lang ay boto, ang panawagan ng Karaban sa mga mahihirap ay organisahin ang sarili, at kumilos para sa tunay na pagbabago," ani Badion. "Gusto nating iparating na hindi lang pagboto ang dapat nating gawin, para maseguro na talagang matutupad ang mga gusto nating reporma."

Isang magandang halimbawa aniya ang isa sa mga unang komunidad na pupuntahan ng Karaban, ang maralitang komunidad ng North Triangle, sa Brgy. Bagong Pag-Asa, Quezon City, na nabibilang sa 16,000 pamilya at nahaharap sa planong demolisyon ngayong Marso upang bigyang-daan ang pagtatayo ng QC-Central Business District. "Habang ang ibang kandidato ay dadapo roon para lang sa boto, at walang pakialam sa kahihinatnan ng mga tao roon, mananawagan ang Karaban na tumindig laban sa demolisyon at igiit ang programa ng disenteng paninirahan at kabuhayan," ani Badion.

Liban pa, ang Karaban ay magsisilbi ring isang "byahe ng pakikinig", na lilibot sa mga maralitang komunidad hindi lamang upang magpaliwanag, kundi pakinggan at tipunin ang iba pang mga kahilingan ng mga maralitang-lungsod upang buuin ang isang 'urban poor agenda' para sa susunod na administrasyon.

Isang bahagi ng Karaban ay ang pagdadala nito ng 'freedom wall', isang mahabang puting tela, sa bawat komunidad na pupuntahan nito upang sulatan ng mga maralita ng kanilang mensahe para sa susunod na liderato ng bansa. Ilalabas ito ng Kadamay sa publiko sa tradisyunal na malakihang kilos-protesta ng sektor, ang 'Kalbaryo ng Maralita' sa Marso 26, at muli sa Mayo 1.

"Sa esensya, ang 'Karaban ng Anakpawis' ang kumakatawan sa tunay na kampanya para sa pagbabago -- mula sa mahihirap, at para sa mahihirap," ani Badion. ##

For reference: Carlito Badion, Kadamay Vice Chair (0939.387.3736)

For further details, please contact Jon Vincent Marion, Kadamay PIO (0910.975.7660)

No comments:

Post a Comment