Sa pag-apila ng Malacanang kahapon sa mga mamimili na iwasan ang mag-panic buying matapos mapabalitang sisirit pa ang presyo ng asukal sa P60/kilo, ipinahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na ang problemang ito ay isa na namang tanda ng pangangailangan sa tunay na reporma sa lupa at planadong ekonomya.
"Hindi naman naaiiba ang sitwasyong ito sa bigas o sa langis -- sinasamantala ng mga lokal na producer at distibutor ng produkto ang mataas na presyo sa pandaigdigang merkado," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay. "Maiiwasan ito kung ginagamit ang ating mga lupain at likas-yaman unang-una para sa ating mga pangunahing pangangailangan, at planado ng gubyerno ang produksyon, pagsusubi, at distribusyon ng mga ito, para matiyak na laging may sapat na suplay at abot-kaya ng taumbayan."
Bagamat ayon din sa Malacanang ay inaasahan nilang bababa rin ang presyo pagpasok ng mga inangkat na asukal galing sa ibang bansa, tugon ng grupo, "Mahirap na nakasandig tayo sa importasyon at sa di-kontroladong galawan ng suplay at presyo sa pandaigdigan. Ang bawat pagsirit kasi ng presyo laluna ng mga pang-araw-araw na pangangailangan, kahit ilang linggo lang 'yan o ilang buwan, dagdag pahirap na sa mga tao na hindi na nga mapagkasya ang badyet sa isang araw." ##
For further details, please contact Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay / 0910.975.7660
No comments:
Post a Comment