Translate

Friday, March 5, 2010

Grupo ng maralita kay Gloria: 'Pareho pa ba tayo ng tinutukoy na Pilipinas?'

Sa ibinida ng Pangulo na 'pag-unlad' diumano ng bansa
Grupo ng maralita kay Gloria: 'Pareho pa ba tayo ng tinutukoy na Pilipinas?'
Malakihang kilos-protesta, itinakda; Pangulo, hinamon ng 'face-off' sa Mendiola

NEWS RELEASE
March 5, 2010

Sa mga pahayag ng Pangulong Arroyo kamakailan kaugnay sa kanyang diumanong mga 'economic achievements' na nagdulot sa pag-unlad ng bansa, nagtataka ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) kung pareho pa ba ang Pilipinas na tinutukoy ni Gng. Arroyo sa nakikita ng nakararaming mamamayan.

"Nasa ibang dimensyon na siguro ang Pilipinas na tinutukoy niya," ani Leona 'Nanay Leleng' Zarsuela, tagapangulo ng grupo.

Sa isang pagtitipon ng mga negosyante noong Miyerkules, ibinida ni Gng. Arroyo na mas maganda na raw ang kinakaharap ng ekonomya ngayon kaysa noong maupo siya noong 2001, at nagkakaroon na raw ito ng positibong epekto sa buhay ng mga tao.

Partikular na binanggit ng Pangulo ang pagbaba ng inflation rate kumpara sa nakaraang mga taon, paglikha ng higit walong milyong trabaho, at pabahay para sa 300,000 pamilya.

"Ibang klase rin naman talaga ang Pangulong ito. Madam, tumingin-tingin ka lang sa paligid mo. Kitang-kita ang paglala ng kahirapan, kagutuman, at pagdausdos ng kabuhayan. Lahat na ay nagsasabi, maging ang mga pinagkakautangan mo sa World Bank at ADB, at lalung-lalo na ang taumbayan."

Isa-isa ring kinontra ng lider ang mga nabanggit na punto ng Pangulo.

"Paano ba niya pinababa ang unemployment? Sa pamamagitan ng pagbabago sa depinisyon ng walang trabaho, noong 2005. At 'yung ilang milyong trabaho na nilikha kuno ng kanyang administrasyon, ilan d'yan ang permanente at nakabubuhay?"

Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, kabilang ang mga hindi na naghahanap ng trabaho dahil sa kawalan ng pag-asa o sa kung ano pa mang dahilan, na mula 2005 ay hindi na itinatala bilang mga unemployed, papatak sa 10.7% ang 'makatotohanang' unemployment rate ng bansa, higit sa 7.5% lamang na opisyal na tala ng gubyerno.

Ayon pa sa IBON, sa 1.5 milyong trabaho na nilikha diumano ng gubyernong Arroyo noong 2008, 1.3 milyon dito ay mga trabahong wala o mababa ang kita, at walang katiyakan (non-earning or poorly earning, insecure jobs). 540,000 dito ay 'unpaid family work' o 'domestic household help', habang 803,000 ay nasa kategoryang 'self-employed'.

"Kaugnay naman sa inflation rate, wala ring silbi kung bumaba ito kumpara sa mga nakaraang taon, dahil matagal nang naiwan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang antas ng sahod," ani Nanay Leleng.

Sa pananaliksik ng Kadamay, mula sa pag-upo ni Arroyo noong 2001 hanggang kasalukuyan, tumaas na ng higit 75% ang Daily Cost of Living sa NCR para sa isang pamilya na may anim na miyembro (P509 tungo P894), samantalang ang minimum wage ay tumaas lamang ng 52% (P252 tungo P382)

"At pabahay? Ninenegosyo sa mga mahihirap, hanggang wala na silang kakayanang magbayad at mapapaalis din. Hindi ba ito ang ipinuputak ni Noli De Castro dati?," ayon sa lider, na tinutukoy ang naging sagutan ng grupo at ng Bise Presidente noong nakaraang taon, dahil sa banta ng huli na palalayasin ang lahat ng mga hindi nakakabayad sa proyektong pabahay ng gubyerno.

Hamon
Ang mga tangkang ito para pabanguhin ang kanyang imahe ay maaaring bahagi ng mga pagsisikap ng Pangulo upang tanggapin pa ng taumbayan ang kanyang pananatili sa poder, ayon sa grupo.

Kaya naman, nagdeklara na ang Kadamay ng isang malawakang kilos-protesta ng mga maralitang-lungsod sa Marso 26, upang "tapusin na ang kahibangang ito."

"Hinahamon namin siya, sa Marso 26, harapin niya kami sa paanan ng Mendiola kagaya nung ginawa ni Remonde dati, at tingnan niya sa mata ang mga maralitang-lungsod at patunayan niya kung mayroong sinumang gumanda ang kalagayan doon, kung talagang naniniwala siya na umunlad ang bansa sa kanyang panunungkulan," bigkas ni Nanay Leleng.##

For further details, please contact Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment