11 Aug 2010
Higit isang buwan matapos ang panunumpa ni Pangulong Noynoy Aquino, nagsisimula na ang dismaya at pagkwestyon ng mga maralitang-lungsod sa pangako nitong pagbabago, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).
"Gusto naming madama ang pagbabago, pero sa takbo ng mga nangyayari, wala pa ring pinag-iba," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay. "Hindi pa rin kami pinakikinggan, at mga dagdag-pahirap pa ang lumalabas na mga bagong patakaran."
Demolisyon sa North Triangle, patuloy na nagbabanta
Sa halip na makamit ang iginigiit na katiyakan sa paninirahan, moratorium sa bantang demolisyon at pagpapahinto sa proyektong QC-Central Business District (QC-CBD), nagpapatuloy ang pagdedepensa ng mga taga-Agham Road sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-Asa, Quezon City, sa kanilang barikada na ngayon ay nilahukan na ng mga taong-simbahan.
Isang 'solidarity lunch' ng mga taong-simbahan at mga residente ang inorganisa ng Task Force Urban Conscientization (TFUC), isang church advocacy group, at ng alyansang Contra-CBD sa mismong barikada ng Agham, tanda ng lalong paglawak ng suporta sa mga maralitang-lungsod ng North Triangle laban sa nasabing proyekto.
Kabilang sa nakiisa ang mga kinatawan mula sa Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), Missionary Sisters of Mary (MSM), Religious of the Good Shepherd (RGS), Order of the Blessed Virgin Mary of Mt. Carmel (OCarm), Sisters of the Divine Shepherd (SDS), National Council of Churches of the Philippines (NCCP), United Church of Christ in the Philippines (UCCP), United Methodist Church (UMC), at Promotion of Church People's Response (PCPR).
Ilan sa mga sektor at grupo na una nang nagtaya ng suporta ay mga estudyante at unyon ng manggagawa sa UP Diliman, at mga kawani ng pamahalaan sa ilalim ng Courage.
"Sa kabila ng makailang-ulit na pagdulog ng mga maralita ng North Triangle kay Noynoy, buhat nang maproklama itong President-elect, nagpapatuloy ang banta sa kanilang paninirahan," ani Badion. "Hanggang ngayon, wala pa ring aksyon mula sa pamahalaan para mapawi na ang pangamba ng mga kasamahan natin dito. Kaya't patuloy ding umiigting at lumalawak ang laban."
Sobra-sobrang bigas, ayaw pa ring ipamahagi
Samantala, iginiit din ng grupo na "nagkakamali" ang gubyerno sa desisyon nitong ilaan ang sobra-sobrang bigas para sa mga programang 'food-for-work'.
"Ano ba ang magiging mensahe nito?. Kinakatigan ng gubyernong Aquino ang trabahong di-kalidad at di-nakasasapat ang sahod, bagay na ibinatikos na natin kay Gloria noon," ani Badion. "Nangako si Noynoy ng trabahong makapagbibigay ng "minimum na halaga ng salapi, pagkain, at dangal para makaraos sa pang-araw-araw na buhay" -- ayon mismo sa kanyang 'Covenant with the Urban Poor'.
"Ang trabahong may kapalit na ilang supot ng bigas -- 'yan ba ang makasasapat sa araw-araw, at makapagbibigay ng dangal?"
Ayon sa grupo, kung paninindigan ni P-Noy ang ipinangako niya sa mga maralita, marapat pa ay buwagin na niya ang 'food-for-work' program ng gubyerno na anila'y "lumalabag sa mismong mga pamantayan ng disenteng trabaho" na kanyang inilatag.
Kinwestyon din ng grupo ang "kawastuhan" ng pagpapatrabaho sa mga mahihirap "para sa bigas na malinaw na ibinunga ng malakihang korupsyon."
"Ang sobra-sobrang bigas na ito ay idinulot ng over-importation at hoarding, na malinaw na kaso ng korupsyon ng nakaraang administrasyon," ani Badion. "Pagbabayaran ba ngayon ng pagod at pawis naming mahihirap ang korupsyong ito?"
Isa lamang ang marapat na hakbang dito, ayon sa grupo, at ito ay ang pamamahagi na lamang ng sobra-sobrang bigas -- partikular ang 2008 stock na delikado pang maapektuhan ng peste at pagkasira -- sa pinakamahihirap na mga komunidad, bilang agarang tugon sa malalang kagutuman (21.1% o 4 milyong pamilya batay sa huling SWS survey), at bilang pagtuwid na rin sa "krimen sa taumbayan" na kinakatawan ng sobra-sobrang bigas na ito.
Mga singil at bayarin, nagtataasan
Sunod-sunod din ang mga nangyari na at napipinto pang pagtaas ng mga singil at bayarin: toll hike, VAT, langis, kuryente, at singil sa MRT at LRT.
"Hindi namin alam kung iniisip ni G. Aquino na magtatagal habampanahon ang mataas na trust rating n'ya kamakailan," ani Badion. "Ang malinaw, mabilis na n'ya itong inuubos, kasama ang pasensya ng mga maralitang-lungsod."##
Reference Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660.
No comments:
Post a Comment